
Sa ika-sampung linggo ng The Wolf, magbubunga na ang mga plano ni Prinsipe Chu You Wen. Ganon pa man, ang mga resulta ay 'di tulad ng inaasahan ng prinsipe.
Lingid sa kaalaman ni Ma Zhai Xing, merong plano si Prinsipe Chu You Wen na ibuwis ang kanyang buhay sa nalalapit nilang pagtutuos. Nais niya itong gawin upang manatiling buhay si Ma Zhai Xing at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pamilya ni Ma Zhai Xing.
Tulad ng kanyang plano, hinarap at tinanggap ni Prinsipe Chu You Wen ang lahat ng atake ng mga pwersa ni Ma Zhai Xing. Pinigilan din niya ang kanyang mga kawal na protektahan siya, at lahat ng ito ay nakita ni Ma Zhai Xing.
Habang naglalakbay si Prinsipe Chu You Wen at Ma Zhai Xing, hindi maintindihan ng huli kung bakit hindi pa rin siya pinapaslang ng lalaki. Lingid sa kaalaman ni Ma Zhai Xing, hanggang dito ay inaalagaan pa rin siya ng prinsipe, at sa katunayan ay itinatago pa siya mula sa mga kawal ng kalaban.
Pagkaraan ng paglalakbay ay nakapagdesisyon si Prinsipe Chu You Wen sa kanyang imperyo at sa tiyak na kaparusahan. Hindi ito matanggap ni Ji Chong, lalo na at alam niya ang katotohanan na hindi pala si Prinsipe Chu You Wen ang pumatay sa kanyang ama.
Nakipagkita si Prinsipe Chu You Wen kay Yao Ji upang humingi ng pabor dito bago siya sumuko sa emperador. Kahit matagal na pinangarap ni Yao Ji na magwagi laban kay Prinsipe Chu You Wen, wala siyang makuhang galak mula sa plano nito.
Hindi matanggap ni Ji Chong ang planong ipakasal sa kanya si Ma Zhai Xing, lalo na at sa tingin niya ay napipilitan lamang ang huli. Kahit si Ma Zhai Xing ay hindi maiwasang balikan ang kanyang kunwaring pakikipag isang dibdib noon kay Prinsipe Chu You Wen.
Araw na ng kasal ni Ma Zhai Xing at Ji Chong, ngunit bago pa magsimula ang kanilang kasal ay ibinahagi ni Ji Chong ang balita na itinakdang bitayin si Prinsipe Chu You Wen. Ngunit imbes na magbago ang isip ni Ma Zhai Xing, mas lalo lamang tumigas ang puso nito dahil sa isip niya ay matatanggap na ng prinsipe ang nararapat na kaparusahan.
Kahit itinakdang bitayin si Prinsipe Chu You Wen, naudlot ito dahil sa pagdating ng emperador. Ayon sa kanya, hindi na papatayin ang prinsipe. Sa halip, ito ay gagawing alipin at hindi na muling hahayaang maging prinsipe.
Patuloy na abangan ang Chinese drama na The Wolf sa GMA, mula 11:30 p.m. hanggang 12 a.m.