
Diretsahang inamin ng aktres na si Thea Tolentino sa Fast Talk with Boy Abunda na siya ay in-a-relationship ngayon sa kaniyang non-showbiz boyfriend.
Bukod sa kaniyang karera bilang Kapuso actress, isa sa mga pinag-usapan nina Thea at ng batikang TV host na si Boy Abunda ay tungkol sa buhay pag-ibig.
“Are you single?” tanong ni Boy kay Thea.
“Hindi po,” agad na sagot ng aktres.
Ayon kay Thea, isang piloto ang kaniyang kasintahan at tatlong taon ang tanda nito sa kaniya.
Dahil magkaiba nga sila ng industriya, marami umano silang naging adjustment ng kaniyang kasintahan.
Aniya, “Ang daming challenges. Kapag non-showbiz, na-experience ko na hindi nila alam ang environment natin.”
Dagdag pa niya, “Sa atin kasi ang dami nating kaibigan. Ang dami nating nakakasalamuha at yung mga 'lakwatsa' ay may kasamang work at importante ang networking sa work natin.”
Bagamat marami rin silang pagkakaiba, ibinahagi ni Thea na nagkakaintindihan naman sila ng kaniyang boyfriend at malaki ang tiwala niya rito.
“Pinapaliwanag ko na ang lakwatsa ko ay may kasamang trabaho. My trust ako sa boyfriend ko at wala namang kaba sa puso ko,” ani Thea.
Paglalahad pa ng aktres, “We try to practice having healthy communication. Communication is key talaga sa lahat.”
Samantala, magbabalik kontrabida role naman si Thea sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Makiling na pinagbibidahan ng Kapuso real-life couple na sina Derrick Monasterio at Elle Villanueva.
Patuloy din na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.