
Nakakapanibago daw para kay Kapuso actress Thea Tolentino ang kanyang role sa upcoming drama series Mano Po Legacy: The Flower Sisters.
Mabait ang karakter ni Thea sa serye na si Dahlia, isa sa tinaguriang Flower Sisters.
Hindi siya lumaki sa poder ng mayamang Filipino-Chinese family pero mapipilitan siyang lumapit sa mga ito dahil sa matinding pangangailangan.
Hindi kontrabida si Thea sa serye, kaya aminado siyang hindi siya sanay dito.
"It's challenging for me kasi sanay nga ako na maingay 'yung character ko, talagang nang-aaway lagi. This time kasi sobrang bait ko," bahagi ni Thea sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com.
Ikinagulat daw ni Thea nang mapanood ang full trailer ng serye dahil dito niya mas naintidihan ang kanyang karakter na si Dahlia.
"Nitong sa trailer ko lang nakita na ganoon pala kalala 'yung bait ng character ko. Hindi ko in-expect. Kasi hindi ko siya nakikita as a whole noong kinukunan siya kasi ang dami naming kinukunan per day. Nagulat ako today na ang bait ko," ani Thea.
Pero paglilinaw ng aktres, hindi daw basta magpapaapi ang kanyang karakter kahit na lubos ang kabaitan nito.
"Abangan lang nila, matapang din kasi si Dahlia. Palaban naman talaga si Dahlia, it's just that sa umpisa ng story, she's adjusting to the Chua family," paliwanag niya.
Dahil mas madalas siya noong ma-cast bilang kontradia, minsan ay nangangapa pa raw siya sa kanyang mga eksena.
"Medyo nakakapanibago. Kagaya noong last taping, tinignan ko 'yung preview monitor ko kung anong istura nung eksena. Sabi ko, 'Ay direk, parang ang taray ko dito.' Sabi niya, 'Oo, nga mataray. Ulitin natin," kuwento ni Thea.
"Feeling ko naman kasi normal na ganoon 'yung expression ng mata ko--mukha siyang mataray. Kahit 'yung gusto kong iparating ay worry, mukhang umiiirap," natatwang dagdag ng aktres.
Isang challenge daw ito para sa kanya lalo na at kailangan niyang makipagsabayan sa mga magagaling at premyadong mga aktres tulad nina Aiko Melendez at Beauty Gonzalez.
"This is something really new for me na mabait 'yung character ko. Kailangan 'yung performance ko magawan ko siya ng paraan in a way na mabait siya pero hindi siya 'yung natatakpan ng ibang character. Ang hirap noong gawin kasi ang bait ko. Lahat ng characters and strong ng personality," lahad niya.
Abangan si Thea bilang Dahlia sa Mano Po Legacy: The Flower Sisters, simula October 31, 9:35 p.m. sa GMA Telebabad.
SAMANTALA, SILIPIN ANG MGA NAGANAP SA PRESS CONFERENCE NG SERYE DITO: