
Viral ngayon sa Facebook ang video ng isang lalaki na nakasuot ng Japanese Army costume habang nagbibisikleta sa kahabaan ng Ayala Avenue sa Makati City.
Sa naturang video, makikita na agaw-pansin ang lalaki na natukoy bilang si Larry Ronquillo dahil sa gitna ng mga taong nagdiya-jogging at nagbibisikleta suot ang mga running outfits, siya lang namumukod-tanging nakasuot ng Japanese soldier costume.
“Dati 'pag may hapon...tago may hapon... ngayon 'pag may hapon..labas may hapon… Kag. Larry Ronquillo pulang araw namataan sa Ayala car-free Sunday,” caption sa nasabing viral video.
Kung marami ang nagtaas ng kilay sa ginawa ni Larry, marami naman ang natuwa sa kaniyang paandar na malapit sa tema ng hit GMA series na Pulang Araw na kuwento ng mga Pilipino noon sa pagdating ng mga mananakop na Hapones.
“Bilib na bilib talaga akosa talent mo Larry Ronquillo,” komento ng isang netizen.
“Time traveler?” tanong naman ng isang netizen.
May isang social media user naman ang nag-post ng isang tila old photo kung saan makikita ang ilang Japanese Army na nakasakay din sa mga bisikleta gaya ng ginawa ni Larry.
“Imperial Japanese Army Enters Manila on bicycles (1942) - Early in the morning of January 2, 1942, the Japanese entered Manila after the city surrendered and declared 'Open City' to prevent further destruction,” komento ng nasabing Facebook user.
Sa Facebook account naman ni Larry, makikita na isa pala siya sa reenactors ng seryeng Pulang Araw. Makikita sa kaniyang social media post ang larawan nila ng aktor na si Epy Quizon sa isa sa mga set ng series.
Ang Pulang Araw ay pinagbibidahan nina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco at Alden Richards. Kabilang din sa serye ang premyadong aktor na si Dennis Trillo.
Sa ngayon, nananatiling trending topic sa social media ang Pulang Araw simula nang ipalabas ito sa GMA Prime at sa online streaming platform na Netflix.
Subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: 'Pulang Araw' cast, ipinakilala sa isang enggrandeng media conference