
Nitong Biyernes, July 19, naging emosyonal ang episode ng “EXpecially For You” sa It's Showtime.
Ito ay nagmula sa usapan ng isa sa hosts na si Vice Ganda at ng EXpecial searcher na si April na mayroong alopecia.
Emosyonal na ikinuwento ni April na dahil sa kanyang kalagayan ay nawalan siya ng kumpiyansa sa kanyang sarili.
Ayon pa sa kanya, isa na rin ito sa naging dahilan kaya nakipaghiwalay siya sa dati niyang boyfriend na si Andrei.
Pahayag niya, “Wala akong hair, naka-wig lang ako. Nagkakaroon ako ng insecurity…”
“Parang ang baba ko po, ayun 'yung tingin ko sa sarili ko. Mababa po kasi sobrang dami kong problem tapos ganito pa ako,” dagdag pa niya.
Matapos marinig ang istorya ng searcher, hindi nagdalawang isip si Vice na tanggalin ang kanyang wig upang makapagbahagi siya ng lakas ng loob kay April.
Sabi ni Unkabogable Vice, “Noong nalalagasan na rin ako ng buhok dahil sa stress, sobra 'yung insecurity ko… 'Wag kang magmadali. In your time.”
Pagpapatuloy niya, “This is not for me, [but] for people like you.”
Kasunod nito, bumuhos ang paghanga ng viewers at netizens kay Vice dahil sa ginawa niya para kay April.
Narito ang ilan sa napakaraming positive comments at reactions tungkol sa pagtanggal ni Vice ng kanyang wig:
Samantala, noong 2019, una nang ipinakita ni Vice ng live sa telebisyon ang kanyang itsura kapag wala siyang suot na wig.