
Biglang naging emosyonal si Vice Ganda sa segment na “Mini Ms. U” ng noontime show na It's Showtime nitong Biyernes, August 18, nang makausap ang isa sa daily contestant ng segment na si Eury Eleandre Villena mula sa Manila.
Bukod kasi sa pagrampa, isang nakaka-touch at nakakaaliw na kuwento ang inihandog ni Eury sa madlang people kung saan sinabi niya na ang It's Showtime ang laging nagpapasaya sa kanya.
BALIKAN ANG THROWBACK PERFORMANCE NI VICE GANDA SA ILANG KAPUSO SHOWS DITO:
Matapos ito, sinagot naman ni Vice ng isang tula si Eury kung saan pinaalala niya kung paano rin sila pinasaya ng huli.
“Lagi mong iisipin 'yan ha, kahit saan ka magpunta, maraming nagmamahal sa'yo. May mga pagkakataon na minsan nalulungkot ka… kaya dapat lagi mong maaalala na maraming nagmamahal sa'yo, ang mga magulang mo, at kami,” sabi ni Vice kay Eury.
Sa puntong ito na napayakap si Vice kay Eury at tuluyang napaiyak.
“I love you too, Meme Vice. Palagi kitang iisipin,” umiiyak na sinabi ni Eury kay Vice.
Sagot naman ni Vice, “Kapag nalulungkot ako palagi kong iisipin, mahal mo ako.”
Makahulugan naman ang mga sumunod na sinabi ni Vice tungkol sa kanyang kasalukuyang pinagdaraanan.
Aniya, “Masaya din ako. Masayang masaya ako kapag kasama kayo. Kaya minsan nalulungkot ako kasi natatakot ako baka hindi ko na kayo makasama.”
Dagdag pa niya, “Kaya ngayon na may pagkakataon ako na makasama kayo, gusto ko lang maging masaya.”
Hindi rin napigilan ng kapwa host ni Vice na si Vhong Navarro sa madamdaming pag-uusap.
Mensahe ni Vhong kay Eury, “Grabe 'yung dinala mo sa amin ngayon Eury. Mula sa tula mo, sa kuwento mo, para kang matanda magsalita at mag-isip. Salamat at dumating ka sa amin sa It's Showtime ha.”
“Salamat din Kuya Vhong, hindi ka rin mawawala sa aking buhay,” umiiyak pa rin na sinabi ni Eury.
Binigyan naman ng It's Showtime hosts ng isang malaking group hug sa stage sina Vice, Vhong, at Eury.
“Dito lang tayo, walang iwanan. Malalampasan rin natin ito,” sinabi ng actress-host na si Kim Chiu habang nakayakap sa lahat.
Nang humupa ang emosyon, sinabi ni Vice na nagpapasalamat lamang siya sa Panginoon dahil sa mga ibinibigay Nitong instrumento upang paalalahanan siya na marami ang nagmamahal sa kanya.
Aniya, “I just thank God that everyday He's been sending a lot of angels to come my way and to remind me how much this program and all of us are loved by many people especially these wonderful kids. Thank you, Lord.”
Matatandaan na inireklamo ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sina Vice, co-host at asawa nito na si Ion Perez dahil sa kanilang “alleged indecent acts” sa segment na “Isip Bata” ng programa sa July 25 episode nito.