
Tila ito ang tema sa "Kalokalike Face 4" nitong Miyerkules (October 9), kung saan hindi lang isa, kung hindi dalawang BLACKPINK impersonators ang nagpakitang-gilas sa programa. Ngunit ang pinakakinagiliwan ng It's Showtime hosts at ng madlang Kapuso ay ang Rosé ng Davao Oriental na si Kristel.
Pagpasok pa lang niya sa entablado, hindi na mapigilan ng audience ang pagtawa dahil sa kanyang mahiyaing kilos. Sa kanilang pag-uusap ng mga host, litaw ang pagiging mahiyain at nerbiyosa ni Kristel.
"You've been to the Philippines, right?" tanong ni Vice Ganda.
Simpleng tumango si Kristel habang nakatitig kay Vice. Pero natawa ang mga host nang biglang late itong sumagot ng "Yeah."
"May jet lag kasi sa Korea," pabirong sabi ni Kim Chiu.
"Did you have a problem with the immigration when you went here?" patawang tinanong ni Vice sa impersonator.
Habang tumatagal ang usapan, hindi napigilan ni Vice na maloka kay Kristel dahil matipid ito sumagot. Madalas "Yeah" o "No" lang ang kanyang sinasabi.
"So gaano ka kalalang fan ni Rosé? Ikaw ba 'yung lahat ng merch ni Rosé ng BLACKPINK binibili mo? Lahat ng kanta nila kabisado mo? Lahat ng dance nila kabisado mo? Ganoon ka bang klaseng kalala (na fan)?" masayang tanong ni Vice.
Nang sumagot si Kristel ng "Yeah," hindi napigilan ni Vice mag-react, "Ang sarap mong kausap! Kababalik ko lang, ah! Ang tagal kong nawala sinasabi ko sa iyo, not today!"
Ikinuwento pa ni Vice na bukas pa sana siya babalik sa programa matapos magpahinga, pero mas pinili niyang bumalik dahil excited na siya.
"Kausapin na nga natin siya as Kristel kasi pag Rosé, yes lang nang yes ang sagot niya," biro ni Vice, na tila suko na sa pakikipag-usap kay Rosé.
Nang pinasayaw ni Vice ang lahat ng "Kill This Love" ng BLACKPINK, naloka na lang siya nang makita ang impersonator na halos walang nagawang dance steps.
"Wala kang nagawang i-step! Jusko! Sinasabi ko naman - sana nag ano ka na lang, Viva Hotbabe ka na lang sana," pabirong hirit ni Vice.
Bumawi naman si Kristel nang sinayaw niya ang "Forever Young" ng BLACKPINK, pero muling natawa ang audience nang matamlay pa rin ang kanyang sayaw.
"Mataas ang energy nito noong nag-audition. Eh, sinalang niyo ngayon eh kasi kagabi natanggalan siya ng kidney stones. Napakasakit 'yon, 38. Kaya ngayon pa lang nag-recover tapos pinagsayaw natin. It's okay, your pressence is enough," biro ni Vice, sinubukang depensahan si Kristel.
Pinasabak din ng mga host si Kristel na magsalita ng Korean kasama ang It's Showtime oppa na si Ryan Bang. Dahil hindi talaga siya marunong magsalita ng Korean, simpleng "Annyeonghaseyo" (hello) at "Gamsahabnida" (thank you) lang ang nasabi ni Kristel. Lumakas ang tawanan nang pinalip-sync siya sa mga salita ni Ryan na nagsasalita ng Korean.
Nang ipinakilala naman ang energetic LISA ng Antique na si Maria, tila raw nalungkot si Kristel. Pero pabirong sinabi ni Vice na mas paborito niya ito at mag-uusap sila mamaya.
Sa huli, itinanghal na winner for today si Maria, na nakakuha ng perfect Kalokalike score mula sa mga hurado.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, balikan ang mga naging trending na "Kalokalike Face 4" contestants sa gallery na ito: