
Muling napanood ang Kapuso star na si Sanya Lopez sa It's Showtime ngayong Martes (December 3) at nakisaya siya sa “And The Breadwinner Is” segment.
RELATED CONTENT: Kapuso stars na bumisita at nakisaya sa 'It's Showtime'
Bago nagsimula ang nasabing segment ay masayang binati ng Pulang Araw star ang Madlang people. Tinanong din ng actress-host na si Kim Chiu si Sanya Lopez tungkol sa beauty pageants.
Tanong ng Chinita beauty, “Ayaw mo mag-pageant? Binibining Pilipinas, Miss Universe Philippines?”
Sagot ni Sanya, “Ibigay na natin sa iba 'yun kasi parang iba talaga kapag pageant level na e."
Matapos ito, sinabi ni Sanya na labis ang kanyang tuwa na naging bahagi siya ng Pulang Araw dahil ang kuwento nito ay para sa lahat ng mga Pilipino.
“Natutuwa ako na naging parte po ako nitong Pulang Araw kasi napakalaking aral ito para sa ating mga Pilipino dahil ito pong Pulang Araw ay para sa ating lahat,” aniya.
Pinuri naman ng Unkabogable Star at host na si Vice Ganda ang ganda ng kuwento ng Pulang Araw at ang husay ng cast sa pag-arte.
“Maganda talaga 'yung Pulang Araw, 'yung serye. Ang ganda ganda ng istorya. Masarap malaman din 'yung mga ganap noong nakaraan. Hindi puwedeng makalimutan natin ang kasaysayan at nakaraan dahil 'yan ang magsisilbi nating ilaw sa mga tatahakin natin sa kasalukuyan at kinabukasan. At magagaling sila diyan,” saad niya.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.