
Isang "dream come true" moment ang nangyari sa fun noontime program na It's Showtime nitong Huwebes (November 21) .
Sa ika-apat na araw ng "Kalokalike Face 4 Road to the Ultimate Face Off," muling umakyat sa stage ang KZ Tandingan ng La Union na si Vyan.
Marami ang humanga sa impersonator dahil sa kanyang kahusayan kumanta ng live. Pinuri rin siya ng mga host dahil kuhang-kuha rin daw niya ang singing style ng original singer.
Nang tanungin ng mga host si Vyan kung nakilala na ba niya si KZ nang personal, mahiyang sinabi nito na hindi pa. Kaya't nagbiro si Vice Ganda at ang ibang mga host na nasa backstage lang daw ang Asia's Soul Supreme. Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang asaran, nagulat ang lahat nang biglang umiyak si Vyan.
"Akala ko totoo," emosyonal sinabi ng contestant.
Matagal na raw niyang idol si KZ at nagsilbing inspirasyon daw niya ito sa pagiging vocalist ng kanilang banda.
"Magaling po kasi siya sa mga song, iba 'yung [galing] niya talaga. Naiiba po talaga siya," paliwanag ni Vyan.
Dahil sa hangaring matupad ang pangarap ng contestant, tinawagan ni Vice ang totoong KZ. Tila nakinig ang tadhana at nasagot ng OPM singer ang video call.
"Hello, Congratulations! I hope to meet you soon," sabi ni KZ sa impersonator.
"Sana sa personal po, makita ko na kayo Miss KZ," sagot ni Vyan habang naiiyak.
"Oo! Pagkauwi namin, pagkatapos ang tour namin," ani KZ.
Hindi napigilan ni Vyan na maging emosyonal matapos makatanggap ng sweet message mula sa kanyang paboritong singer.
"Sobrang na-appreciate ko na na-appreciate mo 'yung ginagawa ko and even 'yung styling and buhok ko kuhang-kuha mo. But I hope this the beginning for you to find your own path. Gamitin mo lang ako as inspiration kung ano man ginagawa ko but find your own path because this is gonna be a better ride. Congratulations in advance," mensahe ni KZ.
Nais rin ng Filipina singer na makilala ang kanyang impersonator sa personal pagkauwi niya mula sa kanyang concert tour sa Chicago.
Sa pagtatapos ng kanilang face-off, kabilang si Vyan sa grand finals ng kompetisyon kasama ang impersonators nina Stephen Curry at Charo Santos.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, balikan ang mga naging trending at nagwagi na "Kalokalike Face 4" contestants sa gallery na ito: