
Sa loob ng mahigit tatlong dekada bilang GMA Public Affairs host, iba't ibang mga makabuluhang kuwento ang patuloy na inihahatid ni Vicky Morales na talaga namang tumatatak sa buhay ng mga manonood.
Kabilang na rito ang mga istoryang nagbibigay pag-asa sa programa niyang Wish Ko Lang.
Sa isang panayam kay Vicky, ibinahagi niya ang ilan sa kanyang hindi malilimutang mga kuwento na itinampok sa nasabing wish-granting program. Isa na rito ay ang istorya ng 12-anyos na si Mariannet Amper.
Ayon kay Vicky, mayroong isang sulat para sa Wish Ko Lang ang nahanap sa backpack ni Mariannet matapos siyang pumanaw.
“In the letter, she asked for a chance for Wish Ko Lang to visit her home, to see the hardship that the whole family was going through. Ang wish lang niya ay backpack or a pair of shoes for her brother, kabuhayan para sa mga magulang niya, who had lost their jobs kaya napahinto siya sa pag-aaral. It was so painful to see.”
Inilahad pa ni Vicky na siya ay nagdadalangtao noong panahon na iyon ngunit sinikap pa rin niyang bisitahin ang pamilya ng namayapang dalaga sa probinsya.
Pag-alala niya, “It was very difficult for me because I knew it was hard for me to go on that journey. But the thing is, I felt like it was inconceivable for me not to visit at least. Maybe I was doing it for Mariannet, for the family, but I think I was also doing it for myself kasi hindi ko kaya na hindi ko pupuntahan 'yung pamilyang 'yon.”
Nagtungo si Vicky at ang kanyang team sa tahanan ni Mariannet sa isang bundok sa Ma-a, Davao City, at nakilala niya ang mga magulang at kapatid nito.
Nagbigay din ang programa ng tulong sa pamilya ni Mariannet tulad ng grocery items, educational assistance para sa kanyang mga kapatid, at school supplies.
PHOTO COURTESY: GMA Network (YT)
“I was able to comfort them and, siyempre, nagbigay din kami ng tulong sa pamilya. But more than that, I think it was really the presence that mattered.
“Stories like that you never expect na 'yun ang mga dadalhin mo sa alaala mo for the rest of your life,” saad niya.
Samantala, kabilang din sa memorable coverages ni Vicky para sa Wish Ko Lang ang istorya ng mag-amang sina Leomeo at Rolando Carandang na nagkahiwalay nang mahigit 30 na taon.
Ayon sa itinuturing na Journalist with a Heart, isa ito sa mga una niyang kuwentong isinalaysay ng Wish Ko Lang.
Taong 2004, nagtungo si Vicky at ang kanyang team sa Paris, France, para tuparin ang wish ni Leomeo na makilala ang kanyang amang si Rolando, na hindi niya pa nakikita sa loob ng halos tatlong dekada.
Noong panahon ng Martial Law, hindi nakasama si Rolando sa kanyang dating asawang Pranses at anak na si Leomeo patungong France dahil hindi siya nabigyan ng travel permit kaya naiwan ito sa Pilipinas.
Mula noon ay hindi na sila muling nagkita at tuluyan nang nagkahiwalay ang kanilang landas.
Kuwento ni Vicky, “Thirty years later, gustung-gusto ng ama na makita 'yung anak niya. Likewise, 'yung anak, gustung-gusto niya talagang makita 'yung ama niya. So, Wish Ko Lang planned to make them see each other at nangyari 'yon last 2004.
“It was very touching, 'yung yakap nila. It's hard to top kasi reunion stories, e. Iba talaga 'yung impact kapag nakakapag-reunite ka ng magpapamilya na hindi nagkikita sa loob ng napakahabang panahon, and you're talking about 30 years na hindi sila nagkikita and finally nagkita sila. It was very memorable.”
Panoorin ang kuwento ng mag-ama sa Wish Ko Lang video na ito:
SAMANTALA, ALAMIN ANG INSPIRING LGBTQIA+ STORIES NG WISH KO LANG SA GALLERY NA ITO: