
“Sino 'yon? Sinong nagsabi?”
Ito ang pabirong reaksiyon ni Maui Taylor nang mabanggit sa kanilang grupo, ang Viva Hot Babes, na isang miyembro ng bagong girl group ang nagsabing mas magaling ito kaysa sa kanila.
Sa ginanap na media conference ng reunion concert nilang Bulaklak nitong Huwebes, August 19, napag-usapan ang mga bagong girl group sa entertainment industry.
Isa na rito ang all-female sexy group na VMX Babes. Sa media conference kasi nila kamakailan, nabanggit ng miyembro nitong si Zsara Laxamana na, “I think we're better than them,” patungkol sa Viva Hot Babes.
Ang Viva Hot Babes ay isa sa mga girl group na sumikat noong early 2000s. Ito ay binuo ng Viva Entertainment, na siya ring bumuo ng VMX Babes.
“Mas magaling daw saan? I'm just curious. Of course, we know our strengths and weaknesses, di ba? Just to clarify,” dagdag na biro ni Andrea del Rosario tungkol sa sinabi ni Zsara.
Bagamat dinaan nila sa tawanan, malaman naman ang naging pahayag ni Katya Santos tungkol dito.
Aniya, “I think that's a very nice motivation for them to say na mas magaling sila sa amin. E, you know, they're entitled to their own opinion.
“Ito na lang, yung sa amin siguro we'll see after 20 years. We have to see them after 20 years and you have to say that after being here in the business na 20 years like us.”
Sinundan naman agad ito ni Maui, “Kagaya nga ng sinabi ko, yung group kasi namin, proven and tested na we had hit songs, we've had so many movies on our own, we had so many hit shows. They need to prove that also.”
Related gallery: Viva Hot Babes as strong, sexy, and empowered moms
Ayon kay Katya, sa halip na ikumpara, mas mabuti na i-celebrate na lang ang women empowerment ng kani-kanilang grupo.
Aniya, "For the VMX Girls, siyempre, we are in the same company. Siyempre, natutuwa kami na they look up to us, sinasabi nga nila na para raw nila kaming ate. Nakakatuwa naman yung ganun na na-inspire sila sa amin.
“Siyempre, being in the same company, we want to support them as well as they want to support us. So, instead of having competitions, it's nice na nai-inspire n'yo ang isa't isa.”
Nag-iwan din siya ng mensahe sa iba pang mga bagong girl group.
“Sa ibang girl group din na lumalabas, ang gusto naming laging i-promote as a group is women empowerment. We have to support each other. Hindi tayo dapat magkaroon ng competition. Hindi tayo dapat magkaroon ng mga inggitin like, 'Mas magaling kami sa inyo.' We all want to celebrate the success of each and every one.
“Sa VMX Babes, happy kami for them. Different path naman sila. Of course, different era rin. Iba naman yung grupo nila sa group namin. Ganun din naman yung mga batang lumalabas.
“I think yung mga batang girl group ngayon ang mga kasabayan nila. We're happy for them and we want to support them sa mga gusto nilang gawin.”
Bukod kina Maui, Katya, at Andrea, dumalo rin sa naturang media conference sina Gwen Garci, Sheree, Jaycee Parker, Ella V., at Jennifer Lee.
Magsasama-sama silang muli para sa Bulaklak reunion concert, na gaganapin sa New Frontier Thearter, Cubao, Quezon City, sa October 23.