
Simula na ng dambuhalang digmaan sa top-rating action-adventure series na Lolong.
Sa ikalimang linggo ng serye, ang anak ni Boss Abet (DJ Durano) na si Benjo (Luke Conde) ang unang biktima ng panibagong gulo sa Tumahan.
Dahil sa pagkamatay ng anak, pagsususpetsahan ni Boss Abet si Lolong (Ruru Madrid) at mawawalan ng amor dito.
Sa isang pasilip, makikita ang mga pagdadaanan ng iba pang mga karakter sa serye sa susunod na mga episodes.
"Bihagin silang lahat, ipunin. Ako na ang bahalang tumapos sa kanila," pahayag ni Armando (Christopher de Leon).
"Kill them all," dagdag pa niya.
Ayon sa bidang si Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid, maaasahan daw na mas magiging maaksiyon pa ang Lolong.
Marami pa kasing mga bagong karakter ang madaragdag sa istorya at dala nila ang iba't ibang mga rebelasyon.
Ang mga rebelasyong ito naman ang magbibigay ng daan sa iba pang mas malalaking tanong tungkol sa katauhan ni Lolong at sa mga sikreto ng mga nakapaligid sa kanya sa Tumahan.
"Ito po 'yung simula ng sobrang mabigat na linggo dahil dito may maglalaglagan at may mamamatay na isang karakter na importante," paliwanag ni Ruru.
Huwag palampasin ang lalong gumagandang kuwento ng Lolong, Lunes hanggang Biyenes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.