
Isa sa promising talents ngayon ng Sparkle GMA Artist Center si Saviour Ramos, anak ng former Bubble Gang star na si Wendell Ramos.
Pinasok na rin ni Saviour ang mundo ng show business nang pumirma ito ng kontrata sa Sparkle noong September 2021, sa grand Signed for Stardom event.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa Kapuso heartthrob, sinagot niya ang tanong kung pumayag ba agad ang kaniyang Daddy Wendell nang sabihin niya na mag-aartista rin siya.
Kuwento ni Saviour, tila malamig daw ang reaksyon noong una ng kaniyang ama sa desisyon niya. Bakit kaya?
Paliwanag ng newbie actor, “Feeling ko po si Papa kasi dati lagi niya sinasabi na 'Huwag na kayo mag-showbiz, huwag na kayo mag-showbiz.' Pero 'yun yung motivation niya. Feeling ko sinasabi niya 'yun para makita niya kung gusto po talaga namin maging artista.”
“So 'pag gusto po namin maging artista talaga makikinig po kami sa kanya. So ganun po ginawa niya, tine-test niya po kami na every time na may VTR po ako noon, for example dati nakuha po ako sa commercial, 12 years old ako.”
Dagdag ni Saviour, “Ayaw niya, ayaw niya daw po. Nagagalit siya kunwari, 'yun pala motivation pala 'yun. 'Tingnan ko nga 'tong anak ko, kung gusto talaga pumasok sa industriya.”
Nang mapatunayan daw niya na determinado na siya maging artista, doon na raw nagsimula ibahagi ni Wendell Ramos ang payo at paalala nito sa papasukin niyang mundo.
Pagbabalik-tanaw ng Sparkle hottie, “So ayun po nung nakita niya gusto ko po talaga, ayun na, nandoon na po 'yung mga turo niya po talaga sa amin na magkapatid na matagal niya po yatang iniipon.”
Kahit anak ng isang kilalang showbiz personality, hindi naiisip ni Saviour na may advantage siya sa iba niyang kasabayan sa GMA-7.
Kaya naman pursigido ito na tutukan at hasain ang kanyang talent sa tulong ng mga workshop ng Sparkle.
Anu-ano kaya ang nakikita niyang puwede i-improve sa sarili this 2022?
Pag-amin ni Saviour, “Being an actor po kailangan mo po i-improve lahat every day, challenge po yan every day. Pero, specifically ang pinakagusto ko po talaga is drama.
“And gusto ko rin i-improve pa 'yung singing skills ko, kasi I write songs din po and gumagawa ako ng songs mismo.”
Si Saviour ay anak ni Wendell sa dati nitong karelasyon. May dalawang anak din si Wendell sa kanyang misis na si Kukai Guevara-Ramos na sina Maddie (Mary Ann Mardell) at Tanya. May isa pang anak si Wendell na nagngangalang Wendell Jr.