TV

Saviour Ramos, gustong sundan ang yapak ng ama na maging regular sa 'Bubble Gang'

By Aedrianne Acar

Ramdam ang determinasyon ng Kapuso heartthrob na si Saviour Ramos na sundan ang career ng kanyang ama na si Wendell Ramos at maging official cast member din ng longest-running at award-winning gag show na Bubble Gang.

Mamayang gabi, isa si Saviour sa special guests ng flagship comedy program ng GMA-7 kasama sina Kokoy de Santos, Claire de Castro, Buboy Villar at Faith da Silva.

Si Saviour ay anak ni Wendell sa dati nitong karelasyon at may dalawa siyang anak sa kanyang misis na si Kukai Guevara-Ramos na sina Maddie (Mary Ann Mardell) at Tanya. May isa pa siyang kapatid na ang pangalan ay Wendell Jr.

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa guwapong binata ngayong Biyernes, February 4, sinabi nito na mainit ang naging pagtanggap hindi lamang ng cast, kundi pati na rin ng staff ng gag show.

Kuwento ni Saviour, “Bata pa po ako noon, pero until now medyo may mga snippets naaalala ko noong bata ako. Before po kasi, 'pag si Papa nasa Bubble Gang 'yan, nasa taping, kasama niya ako dati.

“As in kahit 'yung mga direktor, mga camera man. Nag-usap-usap po kami nung nag-guest po ako and naalala po nila ako na sinasabi nila, 'Ito 'yung batang laging makulit. Ikaw 'yung pag nawawala 'yung props na sa'yo 'yun for sure.'

“So ako po, 'yun po 'yung sobrang naalala ko. Hindi man po kina Ninong Bitoy, kina Ninong Antonio, pero naalala ko natutuwa ho ako, kasi 'yung mga cameraman, 'yung mga staff 'pag nakikita nila ako parang nagkita na po kami.”

Hindi rin daw siya nakaramdam ng pagod noong mag-tape siya sa Bubble Gang last month for the upcoming episode. Ani ng newbie actor, “Sobra po akong na-overwhelm as in ang saya ko po buong araw po 'yun parang hindi ako napagod. Wala po akong pagod na naramdaman kasi [ang saya lang].

“Nandoon po 'yung Ninong Antonio ko, Tito Boy 2 Quizon, so parang hindi ako nakaramdam ng pagod and I feel very secured po, sobrang comfortable ko. Nandoon si Tita Diego [Llorico] na inaalagaan din po nila ako.”

Pag-amin pa niya sa GMANetwork.com na gusto niya maging regular din sa gag show someday tulad ng kanyang Daddy Wendell.

Saad niya, “Ako po ang dream ko po ngayon, ang pinaka-goal is mag-regular sa Bubble Gang. Gusto ko po talaga, ako 'yung next. Ako 'yung susunod kay Wendell Ramos, ako po si Saviour Ramos. So, gusto ko rin ma-showcase yung talent ko, kasi doon sobrang blessing po 'yun for me na maging part po ng Bubble Gang family.”

Napangiti naman si Saviour Ramos nang tanungin naman ito kung sino ang mas magaling magpatawa sa kanila ng kanyang ama. Tugon agad ng Kapuso hottie, “Honestly, nakuha ko lang po kay Papa 'yung pagkakulit ko. So, I have to give it to him. Wala po ako magagawa diyan, nakuha ko lang po sa kanya 'yun, e.”

Hindi rin matatawaran ang husay ni Wendell Ramos sa pagpapatawa nang ito ay napapanood sa Bubble Gang, kaya naman ginamit ni Saviour na learning experience ang guesting niya sa show.

Ayon sa kanya, malaking factor ang pagiging “natural” sa larangan ng comedy.

Wika niya, “Just be yourself, huwag mo i-acting. Kung natatawa ka, ilabas mo. Huwag 'yung parang pipigilan po 'yung emotions.

“Gawin mo lang kung ano 'yung gusto mo, kung saan ka kumportable. Basta maayos 'yun trabaho mo na ginagawa mo talaga 'yung trabaho mo.”

Dagdag niya, “Ayun po 'yung natutunan ko sa kanila and thankful ako kina Tita Diego, kina Tito Antonio sa lahat po doon ng mga tito kasi gina-guide po nila ako and tinuturuan po talaga ako nila ng tama.”

Matatandaan na naging official artist ng Sparkle GMA Artist Center si Saviour noong September 2021 nang mapasama siya sa Signed for Stardom event.