
Sumailalim si Will Ashley sa safety in riding seminar kamakailan para sa pinakabagong Kapuso serye na Delivery Boi. Kasama niya rin dito ang co-stars na sina Mikoy Morales, Vince Maristela, at Gio Alvarez.
Bukod dito, sumalang din sa training ang cast sa pagmamaneho ng automatic at manual na motor. Sa interview ng GMANetwork.com kay Will, nagpapasalamat siya na madali niyang natutuhan ang pagmamaneho ng motorsiklo.
“At first, nakakakaba siya kasi ngayon lang ulit ako nag-motor after two, three years, but sobrang excited ako nung susubukan ko na siya. Nagkaroon ako ng kaba nung nalaman ko na may clutch yung gagamitin ko 'tapos, yung malaki pa. Pero yun nga, thank you Lord, fast learner at natutunan ko naman siya agad,” kwento niya.
Thankful din sa Will sa naganap na training dahil marami silang natutuhan dito.
Aniya, “Hindi lang siya para matuto ka mag-motor, e. Kumabaga, tinuturo rin nila yung tamang way ng pagmamaneho, hindi pagiging kamote sa daan, 'yung mga ganyan. Kaya sobrang thankful ako na nagkaroon kami ng ganitong pagsasanay.”
Bukod dito, kabilang din sa paghahanda ng Sparkle actor para sa kanyang first title role ay ang pagsalang sa acting workshops.
“Nagkaroon kami ng workshops, siyempre, at malaking tulong yun para sa akin para mas makilala yung character ko. Pero kapag wala naman ako sa workshops, talagang inaaral ko kung paano siya magsalita, kung paano siya kumilos, kasi again, very different talaga ang character ko rito sa mga nagawa ko before,” pagbabahagi niya.
Abangan ang Delivery Boi, soon sa GMA.
Related gallery: Will Ashley's career wins after 'Pinoy Big Brother' journey