
Nilinaw ng beauty queen-actress at ngayon ay celebrity mom na si Winwyn Marquez sa Fast Talk with Boy Abunda ang naging pahayag ni Alden Richards noon tungkol sa kanilang dapat sana ay naging relasyon.
Matatandaan na noong January 25, 2023, sinabi ni Alden sa TV host na si Boy Abunda na muntik niya nang maging girlfriend si Winwyn ngunit hindi ito natuloy dahil sa kanilang pagiging abala sa kanilang mga career.
Ngayong Miyerkules, April 12, sa panayam ni Winwyn kay Boy, hiningi ng batikang host ang opinyon ng aktres tungkol sa naging pahayag ni Alden.
“Noong dumalaw sa amin dito si Alden, na-mention niya na muntik na [kayong maging magkarelasyon]. What's the story?” tanong ni Boy kay Winwyn.
Sagot ng aktres, “Tama naman 'yung sinabi ni Alden, na dahil sa work, pero there's really not much to talk about outside that. I consider him as a really good friend,” sagot ni Winwyn.
“So, 'yung muntik, tama 'yun?” paglilinaw na tanong ni Boy.
Paliwanag naman ng aktres, hindi niya sigurado kung nanligaw ba noon si Alden sa kaniya pero naramdaman niya ang pagiging malambing at kabaitan nito sa kaniya.
Aniya, “'Yung muntik… hindi ko kasi alam kung nanligaw ba talaga siya kasi si Alden… I don't know if may misunderstanding or anything, kasi he's really kind, malambing siya, and I feel like he is like that to everyone.
“Sobrang bait kasi niya and we can talk about anything under the sun so I just felt that he is a really good friend.”
Ayon pa kay Winwyn, nang mapanood niya ang naging pahayag ni Alden ay wala naman siyang naging masamang reaksyon at nananatili naman silang mabuting magkaibigan ng aktor.
“Wala naman po kasi tapos na, e, I don't want to go back and dwell in the past because kahit anong sabihin natin I'm so proud of him…and we remain good friends,” ani Winwyn.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN NAMAN ANG BAGONG BUHAY NI WINWYN MARQUEZ BILANG ISANG CELEBRITY MOM SA GALLERY NA ITO: