
Tiyak maraming misis ang makaka-relate sa kuwentong tampok ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado na pinamagatang “Hinala.”
Pagbibidahan ito ng Kapuso actress Joyce Ching. Kasama rin niya ang mga aktor na sina Akihiro Blanco, Yesh Burce, Bench Hipolito, at Coleen Paz.
Si Joyce Ching ang gaganap bilang misis na madidiskubreng inaahas pala ng kumare niya ang kanyang guwapong mister.
Samatala, ang half-Japanese actor na si Akihiro Blanco naman ang gaganap bilang mister ni Joyce.
Sa “Hinala” episode ay magsisimula pa lang magsama sa iisang bubong ang karakter nina Joyce at Akihiro.
Sadyang mahal na mahal ng karakter ni Joyce ang kanyang mister, kaya naman tanggap niya ang buong pagkatao nito.
Sa katunayan, minsan humingi ng paumanhin at pasasalamat ang kanyang mister dahil sa pagtanggap nito sa kanya kahit siya'y amindadong paloko-loko, malambing pa rin ang naging tugon niya.
Sagot ni misis, “Kahit na ano pang kahit 'yan, mamahalin pa rin kita.”
Ngunit dahil sadyang guwapo ang kanyang mister, hindi maiiwasang may ibang mga babaeng naaakit dito, lalo na at bago pa lamang siya sa kanilang lugar.
Babala pa ng kaibigan niyang beki (Bench Hipolito), “'Yung mga ganyan kaguwapo, ay day, papapakin 'yan dito.”
Hindi nagkamali ang kanyang kaibigang beki dahil nang minsang silang makita sa palengke ng tinderang si Leslie (Yesh Burce), napasambit ito ng, “Sino 'yung sariwang karneng 'yon?”
Kalaunan ay nakagawa ng paraan si Leslie upang mapalapit sa guwapong asawa ng kanyang kumare.
At tila may pagnanasa talaga siya sa mister ng kanyang kumare dahil minsan niyang sinadyang basain ang damit nito at pinilit hubarin ang pang itaas upang kanya raw linisin.
Ngunit mukhang ang tunay na motibo niya ay masilayan ang katawan nito.
Nang malaman ng misis ang pasimpleng paglalandi ng kanyang kumareng si Leslie sa kanyang mister, agad niya itong kinumpronta.
Sabi nito sa kumare, “Talaga nga naman, Leslie, 'no? Ang kati talaga walang gamot. Kahit ano'ng kamot mo, basta madumi, kakati at kakati.”
Sagot naman ni Leslie, “Alam mo, ako, hindi talaga ako pumapatol sa katulad mo, e.”
Magkakapikunan ang dalawa at mauuwi sa basagaan ng itlog sa mukha ang kanilang kumprontasyon.
Totoo kayang inaahas ni Leslie ang asawa ng kanyang kumare? Maayos pa kaya nila ang kanilang pagkakaibigan?
Abangan ang kasagutan sa mga tanong na 'yan at kung paano sila mabibigyan ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales ng magandang bagong simula sa bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
RELATED:
Wish Ko Lang: Kasambahay, itinali sa basement at ginawan ng kahalayan ng amo!