
Aminado si GMA Artist Center idol and dramatic actor Yasser Marta na nahirapan siya sa kanyang role sa Tadhana.
Sa episode na "Hating Kapatid" ng weekly drama anthology na hino-host ni Marian Rivera-Dantes, gumaganap si Yasser bilang si Tirso, isang lalaking may kapansanan na makakaranas ng pang-aapi galing mismo sa kanyang mga kapatid.
"First time ko mag-portray ng isang character na may disability. Si Tirso ay may kapansanan na naging sanhi para hindi siya makalakad nang maayos," sabi ni Yasser sa kanyang pinadalang mensahe sa GMANetwork.com.
Kasama ng TV heartthrob dito sina Valerie Concepcion at Lucho Ayala na gaganap bilang mga kapatid ni Tirso.
Bukod sa physical requirements ng role, malalim din ang pinaghuhugutan ng karakter, bagay na hindi naging madali para sa aktor.
"Challenging siya dahil hindi ko ito karaniwang nagagawa. Malaki ang hinihingi ng character hindi lang sa emotional pati narin sa physical kailangan ng effort," ani Yasser.
Magsisimula ang matinding pagsubok sa kanilang pamilya nang mamatay ang kanilang magulang. Sa isang di inaasahang pangyayari, malalaman nila na ihinabilin pala ang kanilang ari-arian kay Tirso.
Hindi ito matatanggap nang maluwag ng magkakapatid dahil masakit para sa mga tunay na anak na sa isang ampon mapupunta ang naiwan ng kanilang ama.
"Siguro 'yun 'yung tumatak na eksena sa akin, 'yung magkakasama kami buong family at nag-aaway tungkol sa mana na iniwan ng magulang namin."
Para kay Yasser, isa ito sa hindi niya malilimutan na eksena dahil bukod sa pagiging emotionally-draining, nakita niya mismo kung gaano kahusay ang kanyang co-actors sa episode.
"Napakagaling ng mga kasama kong artista kaya proud ako at nabigyan ko ng buhay si Tirso dahil sa kanila," dagdag ni Yasser.
Panoorin ang Part 1 ng Tadhana: Hating Kapatid, ngayong Sabado, August 21, 3:15 p.m. sa GMA-7!
Alam n'yo ba na mahilig mag-collect ng vintage cars and bikes si Yasser Marta? Silipin ang gallery na ito: