
Matagal na sinubaybayan at sinamahan ng mga manonood ang bida ng GMA Afternoon Prime teen romance-drama series na naghatid ng “next-gen kilig” feels sa hapon—ang You're My Favorite Song.
Sa huling linggo, maraming kinaharap na pagsubok si Angel (Caprice Cayetano) matapos lumabas ang katotohanan na siya ang nawawalang tagapagmana ng mga Montaverde—si Celestine, na tunay na anak ni Enrico Montaverde (James Blanco).
Mas patindi nang patindi ang kasamaang dulot ni Serina (Kazel Kinouchi) sa buhay ng pamilya Dimaculangan na sina Lolo Xavi (Boboy Garrovillo) at Mama Bebe (Katya Santos).
Isinagawa na ni Serina ang kaniyang maitim na plano sa pamilya Dimaculangan at sa mag-amang Montaverde. Nagpanggap siyang nagbago na bilang paraan upang mapagbagsak ang mga mahal sa buhay ni Angel.
Sa kabilang banda, sabay-sabay umamin sina Miguel (Heath Jornales), Calix (Clifford), at Zion (Marco Masa) sa kanilang tunay na nararamdaman kay Angel. Ngunit hindi ito napagtuunan ng pansin ng dalaga dahil sa bigat ng nararamdaman niya dulot ng pagkontrol at pananakit ni Serina habang nakatira ito sa mansyon ng mga Montaverde.
Dahil dito, nagkasundo ang tatlo na sa halip na ituon ang pansin sa kanilang nararamdaman, magkakaisa muna sila upang tulungan si Angel sa mga problemang pinagdaraanan nito.
Lalo pang bumigat ang pinagdaraanan ni Angel nang biglang isugod sa ospital ang amang si Enrico matapos nitong malaman na sinasaktan siya ng madrastang si Serina.
Matapos malaman ang nangyari sa pamilya ni Angel, agad na nagplano sina Miguel, Calix, at Zion upang iligtas sila mula sa kamay nina Serina at Tyrone (Royce Cabrera).
Ngunit hindi pa rin tumitigil si Serina dahil pinagtangkaan niyang kitilin ang buhay ni Enrico habang ito ay nasa ospital—bagay na nabisto naman ng anak nitong si Angel.
Sa pagtatapos ng serye ngayong Biyernes, July 31, ano kaya ang kahihinatnan ng pamilya Dimaculangan at ng mag-amang Angel at Enrico?
Saan pa kaya hahantong ang kasamaan ni Serina?
Sa kabila ng lahat, mapagbigyan kaya ni Angel ang kaniyang pusong umibig? Sino sa pagitan nina Miguel, Calix, at Zion ang kaniyang pipiliin sa huli?
Huwag palampasin ang FINALE episode ng You're My Favorite Song, ngayong Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Cast ng 'You're My Favorite Song,' kilalanin!