
Pinaghalong kaba at excitement ang naramdaman sa episode noong Huwebes, July 23, kung saan isang malaking katotohanan ang nabunyag kina Enrico (James Blanco), sa pamilya Dimaculangan, at sa bida ng serye na si Angel (Caprice Cayetano).
Sa episode noong Miyerkules, July 22, naudlot ang seremonya ng kasalan nina Angel at Miguel (Heath Jornales) sa marriage booth ng Brighton Bay Ball. Ito ay dahil sa balitang dala nina Zion (Marco Masa) at Adie (Princess Aliyah) kay Angel na ipinadampot at ipinakulong ang kaniyang Mama Bebe (Katya Santos) ng kaniyang Tita Serina (Kazel Kinouchi).
Agad namang pinuntahan ni Angel ang tumatayong ina upang palakasin ang loob nito at gawan ng paraan na makalabas sa kulungan. Samantala, matapos tugisin ng grupo nina Serina at Tyrone (Royce Cabrera) si Enrico sa Gran Vista Resort, himalang nagbalik ang alaala nito at nakatakas mula sa mga gustong patumbahin siya.
Nagtungo agad si Enrico sa kulungan matapos mabalitaan ang nangyari kay Mama Bebe upang tulungan itong makalaya mula sa maling akusasyon ni Serina.
Bago pa man umuwi sina Enrico at ang pamilya Dimaculangan sa Gran Vista, biglang dumating si Lady Mara (Wilma Doesnt) kasama si Albert Balastas—ang dumukot kay Celestine, ang nawawalang prinsesa ng mga Montaverde—upang ibalita kay Enrico ang katotohanan tungkol sa kaniyang anak.
Natatakot man at kinakabahan, ibinunyag ni Lady Mara sa harap ni Enrico at ng buong pamilya Dimaculangan na ang nawawalang anak ni Enrico na si Celestine ay walang iba kundi si Angel.
Hindi man agad makapaniwala ang lahat, naging malinaw rin ang buong katotohanan sa paliwanag nina Lady Mara at Albert. Agad na ipinaramdam ni Enrico ang kaniyang pagmamahal sa natagpuang anak, at ganoon din si Angel sa kaniyang muling nakasama na ama.
Dahil sa nakakaiyak at tagos-sa-pusong pagkikita ng mag-ama, maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang reaksyon at emosyon matapos ang episode.
Narito ang ilang komento mula sa mga solid viewers at fans:
Sa pagpapatuloy ng kuwento, hindi nagtagumpay ang plano nina Miguel (Heath Jornales), Calix (Clifford), at Zion (Marco Masa) na tumakas sa Brighton Bay Ball upang puntahan at tulungan si Angel.
Sa sumunod na araw, lakas-loob na kinausap ni Miguel ang kaniyang amang si Neil (Paolo Paraiso) upang tanungin kung bakit nito binantaan si Angel na lumayo sa kaniya.
Dahil sa kagustuhang huwag mapalayo sa dalaga, nakipagkasundo si Miguel sa kaniyang ama. Sinabi niyang susundin niya ang lahat ng gusto nito para sa kaniyang career, huwag lamang siyang palayuin kay Angel, bagay na pinagbigyan naman ni Neil.
Sa kabilang banda, matapos ang emosyonal na pagtatagpo ni Enrico at ni Angel, dumating ang grupo ni Tyrone upang ipagpatuloy ang masamang balak laban kay Enrico. Ngunit nagulat ang lahat nang biglang dumating si Serina at binaril si Tyrone, na siyang nagligtas sa buhay ni Enrico at ng pamilya Dimaculangan.
Ngayong Biyernes, July 24, ano kaya ang tunay na dahilan ni Serina sa pagliligtas kay Enrico at sa pamilya Dimaculangan? Bahagi kaya ito ng panibago niyang maitim na plano?
Samantala, ano pa kaya ang kayang gawin ni Miguel para masigurong ligtas at maayos ang kalagayan ni Angel?
Patuloy na subaybayan ang You're My Favorite Song, tuwing Lunes hanggang Biyernes, 4:00 p.m., pagkatapos ng Kamao sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Cast ng 'You're My Favorite Song,' kilalanin!