
Kapwa grateful sina Ysabel Ortega at Jon Lucas sa magandang suporta na natatanggap ng kanilang mga karakter na sina Armea at Daron o DarMea mula sa fans ng Encantadia Chronicles: Sang'gre.
Ayon kay Ysabel, kapwa nasorpresa sila ni Jon Lucas nang magkaroon nang mas malalim na kuwento sina Armea at Daron sa Book Two ng hit fantasy series.
"Actually, we started off talaga na magkaiba kami ng side sa Sang'gre and, in fact, parang hindi nga talaga dapat magko-cross 'yung landas namin until the final war. It was such a surprise for us na 'yun pala magkakaroon pa nang mas malalim na story 'yung characters namin, and mag-i-intertwine pa 'yung stories naming dalawa," kuwento ni Ysabel sa pagbisita sa Fast Talk with Boy Abunda kasama si Jon Lucas ngayong Lunes, April 27.
Natutuwa at sobrang nagpapasalamat naman si Jon Lucas sa pagkakataon na nabigyan ng mas mahabang kuwento si Daron dahil orihinal na mayroon lamang limang araw na taping para sa kanyang karakter.
"Sobrang natuwa talaga ako and sobrang grateful ako sa programa kasi 2005 pa lang, nu'ng bata pa tayo, napapanood na namin ito. And, nu'ng nabalitaan ko na sasama ako kasi originally si Daron po five days taping lang ang mayroon siya. So papasok siya sa late na week tapos matatapos din agad 'yung karakter niya.
Ayon pa kay Jon Lucas, totoo ang kagustuhan niya na kahit maging extra lamang noon ng Sang'gre dahil nais niyang maging bahagi ng fantaserye.
Tulad ni Jon Lucas, hindi rin inaasahan ni Ysabel na mapapahaba ang kanyang taping bilang Armea sa Sang'gre dahil aniya "seven" days lang ang inakala niya noon.
"For the book one, si Armea parang she was supposed to have a very special role lang. For most of the series, nakakulong lang talaga siya sa 'ice candy,' sinasabi nga nila. And then nu'ng book two hindi ko in-expect na i-explore pala 'yung reign ni Armea as Queen ng Sapiro," sabi ni Ysabel.
"Talagang mas nakilala ko rin 'yung karakter ni Armea. I'm so grateful, of course, to GMA, to Encantadia [Chronicles]: Sang'gre na they chose our characters to be one of the highlights din for book two," dagdag niya.
Nang tanungin ng King of Talk na si Boy Abunda kung magkakatuluyan ba ang kanilang mga karakter na sina Armea at Daron, sagot ni Jon Lucas, "Ayon ang pangarap ko po."
"Ayon ang pangarap ni Daron," dagdag ng aktor. "Pero siguro kailangan nilang panoorin. Malapit naman na."
Nagbahagi rin si Ysabel sa mga aabangan pa sa natitirang dalawang linggo ng Encantadia Chronicles: Sang'gre.
"Lahat ng gustong makita ng mga Encantadiks ay makikita nila talaga sa finale. May mga mamamatay, may magsasakripisyo, may mga magkakatuluyan, kung sino man ang mga 'yon."
Nang tanungin naman kung inasahan ba nila na kakagatin ng manonood ang love team nina Armea at Daron, sagot ni Jon Lucas, "Tiwala ako."
"Siguro, nandoon na rin po 'yung kahit papaano tiwala po kami sa sarili namin. And, para ibigay po 'yung opportunity na 'yon, nagtiwala kami na siguro may mabuting dahilan and may mabuting kahihinatnan."
RELATED CONTENT: Mga Sinaunang Pashnea at ilan pang dapat abangan sa 'Encantadia Chronicles: Sang'gre'