
Hindi lamang ang Pinoy fans ang kinilig sa viral date mission ng MOMOLAND member na si Nancy McDonie at Miguel Tanfelix sa Running Man Philippines.
Kasama na rin daw diyan ang on-screen partner ni Miguel na si Ysabel Ortega.
Matatandaan na naging magka-teammate si Miguel at ang K-pop idol sa “Seoulmates Race” sa hit reality-game show na ipinalabas noong Agosto.
RELATED CONTENT: Get to know Nancy McDonie, K-pop star and Sparkle artist
Sa panayam ni Ysabel sa 24 Oras, umamin ito na kahit siya kinilig sa moment na nakasama ni Miguel ang isang K-pop idol.
"Siguro sa part na nagseselos ako, siguro the fact na hindi ko rin naka-date si Nancy," sagot ng Sparkle actress kay Aubrey Carampel.
Pagpapatuloy niya, "Kung ako rin naman po, kikiligin naman din po ako kung nakita ko 'yung idol ko sa K-pop, 'di ba? So, ako, of course go lang. I'm also a fan of Nancy,"
Matapos ang season two ng Running Man Philippines, busy naman si Miguel sa pagbibidahan niyang serye na Mga Batang Riles, kung saan makakasama niya sina Kokoy De Santos, Raheel Bhyria, Bruce Roeland, Antonio Vinzon, at Zephanie.
Samantala, tampok naman si Ysabel Ortega sa award-winning weekly drama anthology na #MPK sa darating na October 5. Bibida rin sa naturang episode na pinamagatang “ANG NANAY KONG ADIK: THE JUDIE ANNE PICOC STORY” sina Sherilyn Reyes-Tan at Elijah Alejo.