
Para sa Kapuso actress na si Ysabel Ortega, naging maganda ang relationship nila ng kaniyang ina na si Michelle Ortega, at itinuturin nila umano ang isa't isa bilang best friends.
Ngunit ayon sa nakababatang aktres, hindi naging madali ang journey ng kaniyang ina bilang single parent. Kaya naman naging sandalan nila ang isa't isa sa mga panahong kailangan nila ng suporta.
Sa first episode ng weeklong celebration ng Mother's Day sa Fast Talk with Boy Abunda, tinanong sina Ysabel at Michelle kung kamusta ang relationship nila bilang mag-ina.
“We are the best of friends. Very honest kami sa isa't isa, and best friend ko siya so parang magkasangga kami talaga,” sabi ni Ysabel.
Sinuklian naman ito ni Michelle ng honesty at sinabing hindi siya nagtatago ng kahit anong sikreto mula sa kaniyang anak. Ginagawa niya raw ito para hindi rin magtago ng sikreto si Ysabel mula sa kaniya.
Pero ayon kay Ysabel, isa sa mga misconceptions sa single parents tulad ni Michelle ay ang pagiging protective nila at nagsisilbing shield ng kanilang mga anak sa mundo.
“Pero I feel like in some way, naging ganun din ako sa mama ko, naging sandalan namin 'yung isa't isa so kahit na hindi aminin ng mom ko pero may times na kinailangan din niyang maging vulnerable, maging weak,” ani Ysabel.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA STUNNING LOOKS NI YSABEL ORTEGA SA GALLERY NA ITO:
Hindi naman pwedeng palaging strong ang isang tao ayon kay Ysabel. May mga pagkakataon na kailangan niyang maging malakas para sa kanilang mag-ina.
“I feel like may times din na maraming pinagdadaanan 'yung mom ko so I feel like 'yun 'yung relationship namin, kumukuha kami ng lakas sa isa't isa,” sabi ng young actress.
Sa naunang interview ni Ysabel sa Fast Talk with Boy Abunda, sinabi niyang “very close” siya sa amang si Lito Lapid habang lumalaki, kahit pa hiwalay sila ng kaniyang ina na si Michelle.
Ayon kay Michelle ay “always present” at “very hands-on” si Lito sa pagpapalaki kay Ysabel.
“Hindi naman din ako 'yung tipo na maninira, at wala rin naman akong dapat isira dahil mabait naman po 'yung tao,” kuwento ni Michelle
Tungkol naman sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang, ito ang sinabi ni Ysabel, “I asked a lot of questions.”
“And siguro what helped is my mom answered them all and she was very honest with me. And if my mom was the type na itatago niya sa akin 'yung totoo, kung ano 'yung totoong nararamdaman niya, hindi ko siguro maiintindihan.”
Sa huli, paliwanag ng young actress, “Naintindihan ko po and mas nag-root po ako sa mama ko na, 'Mommy, mas kailangan mo maging masaya.”