
Parehong busy sa kani-kanilang mga trabaho ang Kapuso couple na sina Ysabel Ortega at Miguel Tanfelix.
Kasalukuyang naghahanda si Ysabel para sa upcoming series niyang Hari ng Tondo.
Si Miguel naman ay abala sa taping ng tech-driven action-drama serye na Taskforce Firewall.
Gayunpaman, sinisugurado daw ng dalawa na magkaroon pa rin ng oras para sa isa't isa.
"Talagang we support each other and kahit na magkahiwalay kami ng projects ngayon, talagang we make sure to make time and iparamdam pa rin na nandiyan pa rin kami para sa isa't isa," pahayag ni Ysabel.
Nakakarating din kay Ysabel ang mga papuri sa pagganap ni Miguel sa Taskforce Firewall na first hard action series nito.
"Feeling ko, parang mga three times a day ko yatang nasasabi sa kanya kung gaano 'ko ka proud sa kanya kasi alam ko pinaghirapan niya 'to," lahad ng aktres tungkol sa kanyang nobyo.
Dagdag pa ng aktres na nagsisilbi itong inspirasyon sa kanya, lalo na at nakatakda na rin siyang sumabak sa sa stunts sa Hari ng Tondo.
"Isa rin 'yun sa mga reasons kung bakit ako na-i-inspire na galingan ko rin sa sarili kong craft," paliwanag niya.
Bilang paghahanda para sa serye, sumailalim na si Ysabel sa iba't ibang klase ng training.
"Nagsa-start na rin akong mag-stunt training. Bumabalik ako sa dati kong ginagawa for Voltes V--dati nagji-gymnastics po kasi ako. Bumabalik ako sa gymnastics para sa karagadagang kaalaman (at) skills para sa mga fight scenes," aniya.
Ang Hari ng Tondo ay kuwento ng iba't ibang mga taong lumaki at hinubog ng Tondo.
Pagbibidahan ito nina Kapuso Drama King Dennis Trillo at primetime action hero Ruru Madrid.
Kabilang din sa cast sina Rocco Nacino, Ryza Cenon, Elle Villanueva, Arra San Agustin, Victor Neri, Nonie Buencamino, at Isko Moreno.
Si Enzo Williams naman ang magsisilbing direktor ng serye.
SILIPIN ANG STORY CONFERENCE NG 'HARI NG TONDO' DITO:
Samantala, panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.
Patuloy ding abangan si Miguel Tanfelix sa Taskforce Firewall, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime! May second telecast ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at mapapanood din sa GMA Play.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play. Available din ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.