
Dalawang sorpresa ang handog ng GMA Afternoon Prime series na Born to Shine para sa fans ng show!
Sa panayam ni Athena Imperial sa 24 Oras nitong Martes, June 30, ibinahagi ni Zephanie ang ilang magagandang balita para sa kanilang fans, ang Yu-Mates.
“Parang grand fan meet talaga—wow—na official for our Kapuso and sa mga Yu-Mates na nanonood talaga ng Born to Shine, soon this July,” pagbabahagi ni Zephanie.
Dagdag pa niya, “And meron din kaming album na ire-release. 'Yung volume 2 na official soundtracks ng Born to Shine."
KILALANIN ANG NEW GEM OF P-POP NA YUMI SA GALLERY NA ITO:
Samantala, muli rin nabuksan ang usapin ng pagiging totoong P-pop group ng YUMI, na kinabibilangan nina Zephanie, Olive May, Naya Ambi, Mitzi Josh, at Gaea Mischa. Sa katunayan, tinanong din mismo ni Olive ang kaniyang mga kagrupo kung handa ba sila sakaling mangyari nga ito.
“Kailangan talaga committed tayo if ever magiging real man, kasi grabe 'yan, dapat training kayo kasi ang dami nang P-Pop dito sa Pilipinas,” sabi ni Olive sa parehong panayam.
Aminado naman si Zephanie na alam nila ngayon ang hirap ng training para maging isang P-Pop idol dahil na rin sa parehong pinagdaanan nila para sa serye. Sa training din nila umano na-realize kung gaano kahirap pagsabayin ang pagkanta at pagsasayaw.
Ngunit sa kabila nito, sabi ni Zephanie, “We feel like it's fun to actually explore that field pero alam din namin 'yung challenges. So, I think pwede naman po.”
Sa panayam nila sa Fast Talk with Boy Abunda kamakailan lang, sinabi ni Zephanie na “big dream” para sa kanila kung magkatotoo at mabigyan ang YUMI ng pagkakataon maging totoong grupo.