TV

Hindi na mapipigilan ang paghihiganti ni Roxanne


Naging matagumpay ang plano kong palabasin na si Angela ang pumatay kay Trisha. Hinuli na siya ng mga pulis at nabalitaan na rin ng kanyang mga magulang, pati ni Joaquin ang kanyang ginawa. Alam na rin ni Rhodora na ako ang tunay na salarin, ngunit wala na siyang magagawa dahil itutuloy ko ang lahat ng mga plano ko para makuha si Joaquin.

Napaniwala ni Angela si Joaquin na wala siyang kinalaman sa krimen, ngunit mabilis ko itong nagawan ng paraan. Walang magawa si Rhodora kapag ako na ang masusunod. Nagpanggap ako bilang Rhodora at niyaya ko si Joaquin sa bahay ni Trisha. Inihulog ko ang kuwintas ni Angela na bigay ni Joaquin malapit sa crime scene, at umasang makita niya ito. Napangiti ko nang makita ito ni Joaquin, ngunit mas natuwa ako nang maisip niyang nagsinungaling sa kanya si Angela.

May pinaabot na sulat sa akin si Angela para kay Joaquin, pero pinunit ko lang ito. Lalong nawalan ng pag-asa si Angela nang sinumbatan siya ni Joaquin na muli na naman niyang sinira ang pagtitiwala nito sa kanya. Harap-harapan din siyang tinalikuran ni Joaquin sa korte, dahilan para lalo akong magdiwang. Maisasakatuparan ko na talaga ang pag-agaw kay Joaquin, at wala nang makakapigil sa akin.

Noong nagkita kami ni Joaquin sa bar, nilapitan ko siya at nagkunwaring concerned sa sinapit ni Angela. Sa sobrang kalasingan, nauwi kaming dalawa sa isang motel room, at doon ko na tuluyang inakit si Joaquin. Tulad ng ipinangako ko kay Rhodora, pinasubok ko rin sa kanya si Joaquin. Naloka nga lang siya dahil sa kanyang paggising ay katabi niya si Joaquin sa kama.

Pumunta si Rhodora kay Dr. Vivian para isumbong ako, pero hindi ako papayag na magwagi silang dalawa. Nagpumilit akong lumabas habang kausap ni Rhodora si Dr. Vivian, lalo na nang nalaman kong may balak ang doktora na isumbong ako sa mga pulis. Nakipag-agawan ako kay Rhodora, at dahil mahina siya, ako ang nanaig. Hinabol ko si Vivian para isunod kay Trisha, at sa katatakbo niya ay nahulog siya sa hagdan at namatay.

Hindi lang pala 'yun ang magandang nangyari sa akin sa araw na iyon. Ibinalita sa akin ni Lourdes na nakunan si Angela dahil nasangkot ito sa isang kaguluhan sa piitan. Tingnan mo nga naman ang suwerte ko. Hindi ko pa nga alam na buntis si Angela ay nawala na agad ang dinadala niya.

Mukhang pumapabor sa akin ang lahat ng bagay. Hindi ako titigil hangga't hindi napupunta sa akin si Joaquin, hangga't mahal pa rin niya si Angela. Marami pa akong gagawin para tuluyan na nilang talikuran ang isa't isa. Higit sa lahat, hindi ako papayag na mawala ako sa katawan ni Rhodora.