TV

Lara Quigaman at Marco Alcaraz, pinakilig si Ryzza Mae sa kanilang love story


Magdadalawang taon nang kasal sina Miss International 2005 Precious Lara Quigaman at actor-model Marco Alcaraz pero tila bagong mag-boyfriend pa rin sila.

Kilig na kilig nga ang child host na si Ryzza Mae Dizon habang ikinukuwento nina Lara at Marco ang kanilang love story sa The Ryzza Mae Show.

“Bakit ang sweet niyo po? Bagay na bagay po kayo. Kinikilig ako…” ilang ulit na sabi ng child host.

Kwento ni Marco, naging crush na niya si Lara nang una niya itong makita sa TV.

Kaagad daw siyang gumawa ng paraan upang makilala ang beauty queen. “Hinanap ko ‘yung number niya at tinext-text ko. Una muna, text mates kami,” dagdag ni Marco.

Ayon kay Marco, nagustuhan niya ang sobrang pagiging mabait at mapagkumbaba ng kanyang maybahay.

“Kahit Ms. International ‘to, sobrang bait si Ate Lara. Sobrang humble, sobrang God-fearing,” sabi niya kay Ryzza.

Sagot naman ni Lara, bolero talaga ang asawa niya. “Napakabolero talaga. Lahat na lang ng papuri, sinasabi sa ‘kin, ayan nauto tuloy niya ko,” patawang sabi ng beauty queen.

“Pero mabait din naman si Kuya Marco, saka syempre pogi. So nagustuhan ko sa kanya ‘yung ugali niya dahil mabait siya,” dagdag niya.

Nang itanong naman ni Ryzza Mae kung dati pang pinangarap ni Lara na maging beauty queen, sinabi ni Miss International 2005 na mas maliit pa siya kay Ryzza ay iyon na ang gusto niya.

“Sobrang bata pa lang ako, mas maliit pa nga yata ako sa ‘yo, sobrang gusto ko nang maging beauty queen,” sabi ni Lara. Sumali pa nga raw siya sa Tee Vee Babe sa Eat Bulaga at nanalo pang first runner-up.

Para sa mas marami pang kulitan at kwentuhan, panoorin ang youngest TV host sa The Ryzza Mae Show, weekdays bago mag-Eat Bulaga.

-- Text by Meryl Ligunas, Interview by The Ryzza Mae Show, GMANetwork.com