TV

Magigising pa kaya si Angela?



Halos mabaliw ako nang ibaba ang hatol sa akin. Napasigaw pa nga si Mommy sa kanyang narinig. Sabi ng abugado ko, puwede pa daw mag-appeal, ngunit nawalan na ako ng pag-asa. Tanggap ko na ang mangyayari sa akin, kahit pa wala akong kinalaman sa lahat ng nangyari.

Ngunit may iba yatang balak sa akin ang tadhana. Naaksidente ang sasakyan namin at nakatakas ako. Tinawagan ko sina Mommy pero si Rhodora ang nakasagot. Siya na daw ang makikipagkita sa akin.

Parang bangungot ang mga sumunod na nangyari. Akala ko ay tutulungan ako ni Rhodora ngunit pinagtangkaan niya ang buhay ko. At paulit-ulit niyang sinasabi na hindi siya si Rhodora, na siya daw ay si Roxanne. Marami rin siyang isinusumbat sa akin, kasama na ang pagkakadukot ni Rhodora nung mga bata pa kami. Maya-maya ay tinutukan na niya ako ng patalim, hinabol at patuloy na sinusumbatan.

"Kulang pa 'yan para sa lahat ng paghihirap ni Rhodora." 'Yan ang mga sinambit ni Roxanne pagkatapos niyang lagyan ng ekis ang akin mukha. Inamin din niya na siya ang pumatay kay Trisha, pati na rin ang pagiging ama ni Joaquin sa kanyang anak. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lakas ko, pero nag-agawan kami sa patalim at nasaksak ko ang aking kapatid.

Dumating ang aming mga magulang, ngunit si Rhodora ang kanilang kinampihan. Natitiyak kong alam din nila na si Joaquin ang nakabuntis kay Rhodora, at pinili nila itong ilihim sa akin. Galit na galit ako sa kanila kaya tumakbo ako papalayo. Hinabol ako ng mga pulis at nang wala na akong mapuntahan, tumalon ako sa bangin.

Nagdilim ang aking paligid, tumigil ang oras. Akala ko ay katapusan ko na. Ngunit may naririnig akong pamilyar na boses. Tinatawag ang pangalan ko. Maililigtas pa kaya niya ako? Kung mangyari man iyon, makakapaghiganti kaya ako kina Rhodora at Roxanne? Maaayos pa kaya ang nangyari sa pagitan naming dalawa? - Angela