TV

Ang katuparan ng pangarap ni Ryzza Mae Dizon


Punong-puno ng tao ang studio ng The Ryzza Mae Show nang mag-celebrate ng first anniversary ang naturang palabas.

Mga kilalang personalidad na ang nakapanayam ni Ryzza sa show, kabilang sina Vic Sotto, Gloria Romero, Philip Salvador, Derek Ramsey, Ms. Maricel Soriano, Ms. Mel Tiangco, at Angelu de Leon.

Si Ryzza Mae ang youngest and smallest TV host hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.

Pero alam nyo bang kinatakutan dati ni Ryzza Mae ang pagkakaroon ng sariling show?

“Dati po, gusto ko lang sumali sa Little Miss Philippines, tapos makasama sa Eat Bulaga. Tapos sabi po nila, ‘Ryzza, may bago ka nang show.’  Natakot po ako noon kasi baka mawala na ako sa Eat Bulaga’,” pag-amin ni Aling Maliit.

Nagpasalamat si Ryzza Mae sa mga taong sumuporta sa kanya sa loob ng isang taon.

At siyempre, isang dasal ang inihandog niya bago nagsimula ang anniversary episode niya.

Pagkatapos nito, pinuntahan niya ang mga manonood na nasa labas ng studio. Sa sobrang dami ng mga taong dumalo, hindi na sila nagkasya sa loob. Patunay lang ito na marami ang nagmamahal kay Aling Maliit. Humingi ng paumanhin si Ryzza sa kanila.

Isang song number ang iniregalo ni Ryzza sa mga manonood sa umpisa ng show.  Kinanta niya ang “Let it Go” na pinasikat ng pelikulang Frozen. Suot pa niya ang blue gown na katulad ng kay Elsa.

Nagpalaro at nagpakain si Aling Maliit.

Bumisita rin sina Kendra Kramer, Jacob at Arianne, at nakipaglaro kay Ryzza Mae.

Bakas sa mukha ni Ryzza ang tuwa nang makita niya si Jacob. Tinutukso pa siya ng guest na si Derek Ramsey. Pero ang higit na nagpasaya kay Ryzza ay ang makitang muli ang kanyang mahal na kaibigan na si Kendra Kramer.

Pagbati niya rito, “You are so adorable!”

Kumampi si Ryzza kay Kendra sa contest ng pagpapaputok ng balloons. Sa kabilang team naman sina Jacob at Arianne. Sa huli, tabla ang dalawang teams.

May bitbit din na regalo sina Cheska at Kendra Kramer. Nahiya pa si Kendra noong una kay Ryzza kaya naman medyo tahimik ito.

Pagkatapos nito, marami pang nagsidatingan na mga bisita tulad nina Louise delos Reyes, Krystal Reyes, at Joyce Ching. Hindi rin nagpahuli ang mga Dabarkads dahil pati sila ay naroon para personal na mag-abot ng kanilang pagbati.

Pero ang pinakahihintay ng lahat ay ang pagbubukas ni Ryzza ng regalo mula kay Bossing Vic Sotto – isang malaking kahon na halos kasya si Ryzza at may pink ribbon. Ilang beses tinangkang buksan ni Aling Maliit ang kahon ngunit pinigilan siya dahil hindi pa pwede.

Nang buksan ito ng Ryzza, may maliit na kahon na korteng bahay sa gitna. Sa loob ng kahon ay may maliit na keychain na kulay pink.

“Natupad na rin ang pangarap mo na magkaroon ng magandang tirahan. Inaayos na lang nang konti ang kisame at pwede na nating ipakita sa mga Dabarkads ang iyong bagong bahay at lupa. Congratulations Ryzza and Happy Birthday sa The Ryzza Mae Show!” sabi ni Bossing sa kanya sa isang taped message.

Hindi mapigilang mapaluha ni Aling Maliit sa kanyang narinig na magandang balita. Hindi na rin siya makapagsalita sa sobrang tuwa kaya naman pinatawa siya ng mga Dabarkads.

“Bawal ang sad…dapat happy!” sabay-sabay na binanggit ng mga Dabarkads at ng audience para sumaya si Ryzza ngunit tuloy-tuloy ang luha niya. Ilang minuto rin ang lumipas bago tumigil sa pag-iyak si Aling Maliit at nagpasalamat.

Sinabi ng mommy ni Ryzza na pangarap nito na magkaroon ng sariling bahay at pink ang gusto niyang kulay para sa kanyang sariling kuwarto.

“Thank you sa mga supporters. Sana huwag kayong magsawa!” ang mensahe ng kanyang mommy na naiyak na rin.

Tuloy-tuloy lang ang sayang hatid ni Aling Maliit sa The Ryzza Mae Show bago mag-Eat Bulaga! Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

-- Text by Eunicia Mediodia, GMANetwork.com