TV

Ang pagtakas ni Angela


Sa pagkulong sa akin ni Roxanne sa ?container ay nawalan na ako ng pag-asang makaligtas pa. Alam ko kung ano ang kayang gawin ng babaeng 'yun, at ilang beses na niyang sinabi sa akin na gagawin niya ang lahat para mawala ako sa buhay niya. Sapat na ang lahat ng iyon para paniwalaan ko siya.

Halos mabaliw ako sa loob ng container. Walang pagkain, madilim at limitado ang hangin. Hindi ko na namalayan kung ilaw araw na akong nakakulong. Biglang dumating si Roxanne at pinakain, nilinis, at binihisan ako. Kukuhanan daw niya ako ng video na nagpapaalam kina Mommy at Daddy, na tigilan na nila ang paghahanap sa akin dahil ako na mismo ang lalayo sa kanila. Hindi ako pumayag sa gusto ni Roxanne, kaya tinakot niya akong papatayin niya si Daddy kapag di ako sumunod. I had no choice kundi sundin ang gusto niya.

Hindi ko alam kung maniniwala sina Mommy at Daddy sa video ni Roxanne, pero alam kong hindi madaling makumbinsi si Daddy. Kaya siguro isang beses ay sinundan niya si Roxanne nang pinuntahan ako sa pier. Narinig ko ang pag-uusap nila, at sinubukan kong gumawa ng ingay ngunit hindi niya ako marinig sa labas. Lalo akong nawalan ng pag-asa.

Palala nang palala na ang aking kundisyon. Mukhang magtatagumpay nga si Roxanne sa plano niyang masiraan ako ng bait, lalo na nung ipinakita niya sa akin ang obituary ni Daddy. Hindi ko namalayang nakatulog ako, pero sa aking paggising ay muli kong nakita ang obituary ni Daddy, at naririnig ko ang boses niya. Nakikita ko rin siya sa harap ko, at patuloy niya akong ine-encourage na lumaban. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng lakas at katinuan para makatakas.

Sa muling pagbisita sa akin ni Roxanne ay hindi ko na pinalampas ang pagkakataong makawala. Sa pagbukas niya ng pituan ng container ay tinulak ko ito sabay takbo palabas. Sinubukan niya akong habulin pero hindi niya ako naabutan. Nakalayo ako ng husto pero tuliro pa rin ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta at kung kanino ako hihingi ng saklolo. Nagkalkal pa ako ng basura para makahanap ng makakain.

Patuloy ako sa paglalakad nang makaramdam akong may sumusunod sa akin. Tumakbo ako papalayo hanggang sa makapasok ako sa isang abandonadong building. Akala ko ay si Roxanne iyon, kaya sa sobrang takot ay umakyat ako sa roof deck ng building at nagtago. Naisip kong tumalon na lamang dahil ayoko nang pahirapan pa ako ni Roxanne kapag nahuli niya ako. Nasa akto na ako ng pagtalon nang hatakin ako ng isang lalake. Hindi ko siya kilala, at hindi ko alam kung bakit niya ako niligtas. Umaasa ako na magiging kakampi ko siya. -- Angela