TV

'Mas madali 'yung nanay na mabait kaysa galit' - Angelu de Leon


Sa kakasimula lang na teleserye na Niño, isa na namang mother role ang ginagampanan ni Kapuso actress Angelu de Leon. Dahil isa na ring ina sa tunay na buhay, natural na natural ang acting ng aktres sa kanyang mga scenes. 

Medyo malungkot ang character ni Angelu na si Leny sa Niño. Kahit na siya ang itinuturing na kumare ng bayan dahil napakabait niya sa kanyang mga ka-baranggay, mayroon siyang pinoproblema dahil hindi na siya magkakaanak matapos siyang makunan.

Dahil napakarami nang mother roles ang nagampanan ni Angelu, itinanong ng GMANetwork.com kung ano pa bang challenges ang kinakaharap niya sa pag-portray ng ganitong klaseng role.

Aniya, wala namang mabibigat ng challenges dahil depende rin daw sa klase ng mother role iyon. "Mas madali 'yung nanay na mabait, kesa 'yung nanay na galit. Masakit sa lalamunan 'yung nanay na galit," sagot niya.

Linaw ni Angelu, hindi naman daw masama ang ugali ni Leny sa Niño. Sa katunayan nga ay napakabuti niya dahil ituturing niyang anak ang isang batang hindi niya naman kaano-ano.

Kahit na hindi na magkakaanak si Leny, may biglang biyaya naman ang dumating sa buhay niya nang makita nila ng kanyang asawa ang isang bata sa ilog. Papangalanan nila ang batang ito na Niño, na gagampanan ni Miguel Tanfelix paglaki nito.

Patuloy na subaybayan si Angelu de Leon sa pagganap niya sa character ni Leny sa Niño, weekdays after 24 Oras on GMA Telebabad.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com