TV

Three facts about StarStruck alumna Nadine Samonte

By MARY LOUISE LIGUNAS

Alam ng mga tao na si Nadine Samonte ay produkto ng first season ng reality-based artista search na StarStruck. Alam rin ng mga manonood na siya’y isang maganda at mahusay na aktres. Ano pa ba ang hindi alam ng nakararami tungkol sa kanya?

Sa kanyang guesting sa The Ryzza Mae Show, nagkuwento si Nadine ng tatlong bagay na hindi pa alam ng lahat.

1. Ang kanyang audition piece sa StarStruck ay Ikaw.

Nang siya’y sumali sa StarStruck ten years ago, pina-arte, pinasayaw at pinakanta ang aktres. Hindi niya maalala kung ano ang kanyang sinayaw at ginawang pag-arte, ngunit tandang-tanda niya na ang kinanta niya ay Ikaw ni Regine Velasquez.

Paborito daw ito ng kanyang yumaong lolo. “Tuwing kinakanta ko 'yun sa show, naalala ko, laging umiiyak 'yung lolo ko noon. He passed away [already pero] tuwing may show ako [dati], lagi siyang nandun tapos tuwing kinakanta ko yung Ikaw, umiiyak lagi ang lolo ko. Kaya sobrang memorable sa ‘kin yung kantang yun,” sabi niya.

2. Malapit na siyang ikasal.

Ilang taon naging tahimik ang buhay pag-ibig ni Nadine hanggang nakilala niya ang anak ni Isabel Rivas na si Richard Chua. Hindi tinatago ng aktres na engaged na sila at malamang ay ngayong taon rin magaganap ang kasalan. “Malapit na, malapit na,” aniya.

Ayon sa aktres, kapag siya’y kinasal, itutuloy pa rin niya ang buhay artista. Masuwerte raw siya dahil sinusuportahan siya ng kanyang fiancé sa lahat ng kanyang gustong gawin. “Hangga’t meron pang shows, mag-a-artista pa rin ako. Suportado naman niya ko sa lahat ng mga gusto kong gawin. Basta kung saan daw ako masaya, masaya din siya para sa ‘kin,” dagdag ni Nadine.

3. Mahal niya ang pagiging kontrabida.

Para kay Nadine, ang kanyang kontrabida roles ang tumulong sa kanyang maging mas versatile at flexible na aktres, kaya malapit ito sa kanyang puso. “Hindi ko makakalimutan 'yung pagiging isang kontrabida. Masarap maging kontrabida,” kuwento niya.

Mas nahahasa raw ang galing ng isang artista sa mga kontrabida roles. “Mas marami ka puwedeng gawin eh. Ang bida, iiyak ka lang, tatawa ka. Pero ang kontrabida, puwede kang umiyak, puwede kang tumawa, puwede kang magtaray, puwede kang mang-api. So lahat, puwede mong gawin,” idineklara niya.