TV

Maine Mendoza, tinanggap ang parangal mula sa MMFF sa 'CelebriTV'

By CHERRY SUN

Makaraan ang ilang linggo ay natanggap ng Philippine DubSmash Queen at Yaya Dub star na si Maine Mendoza ang kanyang napanalunang parangal mula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa tulong ng CelebriTV. Tinanghal siya na Best Supporting Actress para sa kanyang pagganap sa pelikulang My Bebe Love.

Nagsimula ang panayam sa pangangamusta ni Ricky Lo.

“Actually hindi ko pa nga po nakukuha ‘yung trophy po eh. Nakita ko lang po ‘yung picture online, ‘yun lang po ‘yung nakita ko pero hindi pa po nakakarating sa akin,” natatawang sambit ni Maine.

Matapos nito ay sinorpresa siya ng batikang host na dala ang kanyang nakuhang gantimpala.

“Salamat po. Nasa Japan po ako nun eh, nung awards night po. Hindi ko po alam na nominated po ako as best supporting [actress]. Nagulat na lang po ako nung nag-aayos ako ng gamit, may mga tweets po sa akin kino-congratulate na po nila ako. Parang naisip ko, ‘Bakit ako?’ Bilang isang baguhan, bakit ako po ‘yung napili, pahayag niya.

READ: “Bakit ako?” – Maine Mendoza reacts to her MMFF win 

Kinuha rin ng aktres ang pagkakataon na magpaabot ng pasasalamat.

Wika niya, “Nagpapasalamat po ako sa lahat ng bumubuo po ng MMFF sa pag-award po sa akin bilang Best Supporting Actress. And sa lahat po ng nanood ng My Bebe Love and sa lahat po ng sumuporta, maraming maraming salamat po.”