TV

Tatapatan ng salapi ang pag-ibig sa 'Temptation'

Bibigay ka ba sa tukso kapalit ng iyong prinsipyo?

Ito ang tatalakayin sa Koreanovelang Temptation. Pangungunahan ito nina Kwon Sang Woo at Choi Ji Woo, na mas kilala bilang sina Cholo at Jodi ng Stairway to Heaven, kasama sina Park Ha Sun at Lee Jung Jin.

Sa pagbabalik ng pinakamainit na tambalang minahal ng lubos ng mga Pilipino, isang kakaibang kuwento ng pag-ibig ang kanilang kabibilangan. Magsisimula ang kuwento kina Shawn (Kwon Sang Woo) at Trisha (Park Ha Sun), ang mag-asawang magkakaroon ng matinding problema nang mabaon sa utang si Shawn dahil sa isang failed business venture.

Makikilala nila si Sophie (Choi Ji Woo), isang hotel heiress, habang nasa Hong Kong. Nang malaman niya ang problema ng mag-asawa, nag-offer siya kay Shawn na bayaran ang utang nito kapalit ang apat na araw na makasama ang lalaki.

Dahil ayaw makulong at wala nang ibang paraan na naisip, tinanggap ni Shawn ang offer ni Sophie. Sa pagbalik nila sa Korea, magbabago na ang relasyon ng mag-asawa.

Maging dahilan kaya ito para masira ang pagsasama nila ni Trisha? Mapipigilan kaya ni Sophie ang sarili na mahulog ang loob kay Shawn?

Tunghayan muli ang Temptation, simula April 1, 11:00 pm sa GMA News TV. 

Tags:
temptation