Showbiz News

Aljur Abrenica, laging may comment sa mga manliligaw ni Kris Bernal



Kapwa inamin nina Aljur Abrenica at Kris Bernal na wala silang tinatago sa isa’t isa, at kahit hindi sila magkatrabaho ay nagsasabihan sila ng mga problema at hinanakit sa buhay.
 
“Wala na akong tinatago kay Aljur pagdating sa mga problema ko. Kahit hindi kami magkasama sa soap, sinasabi ko sa kanya ’yung problema ko, mga hinanakit ko. Ganun na talaga siya kalalim. At iba talaga kapag katrabaho ko si Aljur. Sa mga dati kong leading man, nakukumpara ko pa rin siyempre, iba-iba rin nakasama ko. Maalaga siya talaga sa akin. Wala pang nakakahigit. Number 1 pa rin ‘to sa akin,” Kris shares to the press during the story conference of Coffee Prince, ang pinakabagong primetime series ng GMA na muli nilang pagtatambalan ni Aljur.
 
Dagdag pa ng Kapuso actress, “Lahat talaga nakukuwento ko kay Aljur, family, love life, career. May masasabi ‘to lagi. Sasabihin niya sa akin kung okay ba ‘yung guy or hindi. At ako, naniniwala ako kapag may sinabi siya. Alam ko na iniisip niya rin kung ano ang makakabuti sa akin. Laging may comment 'yan, kaya siya ang lagi kong hinihingan ng opinion.”
 
Nang tanungin ng press kung ano ang masasabi niya sa mga sagot ni Kris, hindi naman ito tinanggi ng young actor. “Alam naman po nating lahat na marami talaga [siyang manliligaw], at hindi talaga maiiwasan na maubusan ng manliligaw si Kris. Kahit may boyfriend na yan, marami pa ring sumusuyo diyan. Basta ako, thankful ako, kasi si Kris talaga may tiwala sa akin tungkol sa mga bagay na ‘yan. ‘Yung pag-advice ko sa kanya is gusto ko mapabuti siya, kung sino ang deserving para sa kanya. Gusto ko talaga sumaya si Bebs kasi sobrang hardworking nito. Tumutulong na rin siya sa family niya, kumbaga she deserves kung ano ang makakapagpasaya sa kanya,” paliwanag ni Aljur.
 
Paano kaya niya sinasabi sa kanyang Bebs kapag ayaw niya sa isang nanliligaw dito?
 
“Hindi ko naman po dinidiretso na ‘Wag na yan!’ Pero wala akong preno eh. Sinasabi ko talaga sa kanya ang nararamdaman ko pero hindi ko sinasabi na ‘Wag na’. Kumbaga nilalatag ko sa kanya ang lahat ng puwedeng mangyari, yung ugali, yung pagkatao,” depensa ni Aljur.
 
Kahit daw hindi nasasabi ni Kris kung sino ang mga lalakeng nagkakagusto sa kanya ay nalalaman pa rin ito ni Aljur. “Nakakarating sa akin lahat. Kaya thankful ako sa mga naniniwala sa amin, sa AlKris, kasi sila ang mga nagsasabi sa akin at doon ko nalalaman. Saka ko inaalam kung sino yung lalakeng nanliligaw kay Kris,” kuwento niya.
 
Hindi naman magpapatalo si Kris, dahil may opinyon din naman daw siya sa mga nililigawan ng ka-loveteam. “Siyempre kung may sinasabi siya sa mga nanliligaw sa akin, may sinasabi rin ako sa mga nililigawan niya. Siyempre nagsasalita rin ako sa kanya.  Nakikinig naman siya, ganun talaga kami ka-open sa isa’t isa. Kaya sinasabi ko talaga sa kanya na ‘Alam mo, okay siya kasi mabait siya, nakikita ko na mapagmahal siya’. Pag may ayaw talaga ako, inaaway ko siya. ‘Bakit yun?’” patawang sagot niya.
 
Sa kanilang pagbabalik tambalan pagkatapos maipareha sa ibang artista, ano kaya ang dapat abangan at asahan ng mga manonood sa Coffee Prince?
 
“Marami silang dapat abangan. Unang-una, first time namin gumawa ng romantic comedy. First time ko rin gumanap na isang tomboy na magpapanggap na lalaki talaga. Si Aljur, ‘yung relationship namin dito, parang boy-to-boy so bago rin para sa mga viewers ‘yun. May drama siyempre, hindi mawawala ‘yun, may iyakan at makaka-touch talaga sa mga tao, pero ibang atake, ibang technique. Pinag-aralan namin ‘yun,” notes Kris.
 
“Siguro dapat nilang abangan kung gaano ka-guwapo si Kris Bernal kapag naging lalake. Pangalawa, sa akin, kukuwestiyunin ko ang pagkaka-lalake ko, kung bakla ba ako o ano. ‘Yun siguro yung pinaka-challenging na part sa akin. Tapos abangan din nila ‘yung bagong Kapuso na gaganap dito, si Benjamin Alves,” says Aljur.
 
Abangan ang tambalang Aljur Abrenica at Kris Bernal sa Pinoy remake ng Coffee Prince, ngayong September na sa GMA Telebabad. - Michelle Caligan, GMANetwork.com