Showbiz News

Gardo Versoza, todo workout para sa kanyang role sa 'Aso ni San Roque'



Malaking challenge para kay Gardo Versoza ang role nito sa pinakabagong telefantasya ng GMA na Aso ni San Roque. Excited ang actor dahil ito ang unang beses na gaganap siyang isang mythical creature sa isang series.

Sa press launch ng Aso ni San Roque, nakapanayam ng gmanetwork.com ang matipunong si Gardo Versoza at idinetalye nito kung gaano ka-challenging ang kanyang new role.

 “Mahirap na maganda itong role ko sa Aso Ni San Roque. Parang sa Amaya rin noon na kontrabida ako pero parang halong mabait at masama. Itong role ko ngayon, all the way ako na masama,” shares the Kapuso actor.

Gagampanan niya ang papel bilang pinuno ng aswang ng lupa, kung saan ay magkakaroon ito ng kakayahan na magbago ng anyo. “Parang mala hunyango ako dito. Nagdadamit ako gaya ng normal na tao at kinokopya ko ‘yong mga ginagawa nila.”

Nabanggit din ng actor na magiging topless at bottomless siya sa kanyang pagganap bilang si Kanlaon. ”Kakaiba ‘yong itsura ko dito kasi topless ako. At the same time, bottomless din ako dito.  ‘Di ba?  Hindi lang ako magiging topless dito, bottomless pa iyong makikita nila. Usually ‘di ba, topless lang? Kaya nga bottomless kasi ‘di ba manananggal, so nade-detach siya doon sa katawan niya,“ pagpapatawa ng premyadong aktor.

Dahil makikita ang upper body ng actor sa bawat scene, pinaghandaan nito ng mabuti ang kanyang workout at diet. “Isa nga iyong workout at diet sa pinakamahirap. Parang ang laging naiiwan kasing impression sa akin ay iyong doon sa Machete. Ang sarap kumain, kaya’t ngayon pigil na pigil ‘yong pagkain at regular din ‘yong workout ko.”

Panoorin ang pagganap ni  Gardo Versoza  bilang si Kanlaon sa Aso ni San Roque pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad. --Paula Panganiban, GMANetwork.com