TV

Angelu de Leon, may payo para sa katulad niyang nasa blended family

By Aimee Anoc

Ikinuwento ni Angelu de Leon sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga ang masayang pamilya na mayroon siya ngayon.

Mahigit 11 taon nang nasa isang blended family si Angelu. Bago pa man tuluyang magsama sina Angelu at ang asawang si Wowie Rivera, mayroon nang dalawang anak si Angelu na sina Nicole at Louise sa dating karelasyon. Gayundin si Wowie na mayroon nang unang anak na si Renzo.

Ikinasal sina Angelu at Wowie noong December 2010 kung saan biniyayaan sila ng isang anak na si Rafa.

Ayon kay Angelu, masaya siya na nagkakilala ang kanilang mga anak noong maliliit pa lamang at sabay-sabay na lumaki dahil ngayon ay tunay na magkakapatid na ang turingan ng mga ito.

"Pinakakinatutuwa ko kasi when me and Wowie were together, bata pa 'yung mga kids. Ngayon, mas barkada sila. Kaysa 'yung mas matatanda sila tapos ngayon sila nagsama, baka mas nagkaroon ng problema. Ngayon kasi talagang they enjoy each other," pagbabahagi ni Angelu.

At para sa katulad niyang nasa isang blended family, payo ni Angelu na respeto at pagmamahal ang ibigay sa isa't isa.

"Advice ko sa mga kids, learn to respect your mother and your father. Magkaiba man 'yan intindihin ninyo, lahat may pinagdaraanan. Love and respect would always be number one in the family," sabi ni Angelu.

Dagdag niya, "Sa mga mag-asawa, hintayin n'yo ring mag-adjust 'yung kayo sa mga bata kasi iyon 'yung ginawa namin ng asawa ko. Hindi namin sila pinilit to call each other mommy or daddy. Basta kung magkakaproblema, doon lang namin sasagutan.

"Hindi namin pinapangunahan 'yung problema. Sa mga parents na nagkakaroon ng adjustment, hintayin n'yo rin na makapagsabi 'yung mga bata. Makinig tayo sa mga bata kasi mas magkakaroon ng linaw lahat kaysa mga magulang 'yung palaging nag-i-impose sa mga bata."

Samantala, tingnan ang masayang pamilya ni Angelu de Leon sa gallery na ito: