TV

Maghihintay Pa Rin: Ano’ng kapalit ng katotohanan?


Sa ika- siyam na linggo ng Maghihintay Pa Rin, pansin ni Kiko na halos ipagtulakan na sya ni Orly para makapagtrabaho sa Bacolod ngunit hindi nya makumpirma kung anong tunay na motibo ng kaibigan. Di inaasahang nagkita sila ni Lance at ito na ang nagsiwalat kay Kiko ng katotohanan – na hindi natuloy ang kasal nila ni Geneva at naiputan na sya sa ulo ng tinuturing niyang best friend – si Orly.

Dala ang mapait na impormasyong ito, sinugod ni Kiko si Orly sa grand opening ng restaurant nito. Sumabog na ang galit na kinikimkim ni Kiko kay Orly na nauwi sa pagkakasakitan ng dalawang dating magkaibigan. Inawat sila ni Geneva, na ngayon lamang nakitang muli ni Kiko matapos ang pitong taon. Ngunit sa pagkakataong ito, si Orly na ang asawa ni Geneva, at pareho nilang ipinagtabuyan si Kiko.

Sa gitna ng nararamdaman na bugso ng damdamin, parehong humanap ng kalinga sa simbahan sina Kiko at Geneva kung saan sila muling nagkita. Pinilit ni Kiko si Geneva na bigyang linaw ang mga nangyari sa nakalipas na pitong taon at mga rebelasyong ngayon nya lang nalaman. Inamin ni Geneva na kaya nya lang pinakasalan si Orly dahil kapalit nito ay ang pagbaba ng sintensya kay Kiko.

Dito na naghiwalay sina Kiko at Geneva na parehong gulong-gulo pa rin sa mga pangyayari. Nang makarating kina Milan at Orly na muli na namang nagkita sina Geneva at Kiko, parehas silang nagselos at napagbuntunan si Geneva. Sa sobrang galit at pagkabigla, nasampal ni Orly ang asawa. Ito ang naging mitsa para mag-alsa-balutan si Geneva at umalis muna sa bubong ni Orly, bitbit si Franz.

Nakituloy muna sina Geneva sa bahay ng kaibigang si Jam… ngunit imbes na dito manahimik at makapag-isip, tila lalo pang lumala ang sitwasyon nang parehong malaman nina Kiko at Orly na kina Jam tumuloy ang mag-ina. Dito nagpang-abot ang magkaribal na nauwi na naman sa bugbugan.

Sa pagkakataong ito, wala nang pinili si Geneva at parehas silang pinalayas. Sa gitna ng lahat ng kaguluhan, apektado rin si Franz sa nangyayari sa kanilang pamilya. Nais nyang umuwi na sila sa kanilang bahay at nang tumanggi ang ina, pilit hinabol ni Franz ang kanyang Daddy. Di inakala ni Geneva na ang kanyang paglayas ang magdudulot ng kapamahakan sa nag-iisang anak – nang mabunggo si Franz ng isang sasakyan habang hinahanap ng bata si Orly.

Lalo nang gumuho ang mundo ni Geneva… Sino ang aalalay sa kanya sa panahong ito? Ang asawang si Orly, o ang tunay na minamahal na si Kiko? Hanggang saan ipaglalaban ni Kiko ang kanyang pag-ibig? Mababawi pa kaya ni Orly ang pagtingin ni Geneva? Magising pa kaya si Franz mula sa sinapit na aksidente?

Abangan ang mas tumitinding mga tagpo sa Maghihintay Pa Rin, Lunes hanggang Biyernes sa Afternoon Prime ng GMA. -- Text by CJ Mendoza, GMANetwork.com