TV

MGA BASANG SISIW: Paghihiganti at Paniningil


Di inaasahang nagkita ang magkapatid na Faye at Shine. Laking tuwa at pasalamat ni Faye nang makita ang kapatid ngunit tila nagtagumpay na si Vicky sa pag-brainwash kay Shine at napaniwala nitong wala nang malasakit sa kanilang magkakapatid ang kanilang ate.

Dagdag pa sa mga problema ni Faye ang nakaambang panganib kay Justin. Nakatakdang ibenta ang kidney ni Justin para sa isang kliyente ni Tony. Gagawin ni Rigor ang lahat mapigilian lamang ito at mailigtas si Justin. Ngunit nang mahuli ni Tony sina Rigor, Faye at Weng sa kanilang planong pagtulong kay Justin, pare-parehas silang nakatikim ng pambubugbog mula sa kanya. Halos mawalan na ng pag-asa si Faye na mailigtas ang kapatid, ngunit binigyan siya ng lakas ng loob ni Lola Lagring. Kasama si Weng, inabutan ni Faye si Justin sa operating table.

Nailigtas n’ya ang kapatid at sa kabutihang loob ng ilang mga tumulong sa kanila, nakabalik sila sa Old House. Dahil sa malagim na karanasan, nais ni Justin na tuluyan na silang makalaya, hindi lamang silang magkapatid ngunit pati na rin ang lahat ng mga bata sa Old House.

Samantala, nakita ni Vicky si Olivia sa isang restaurant ngunit hindi nya ito nahabol kaya’t inakala n’yang guni-guni n’ya lamang ang kanyang nakikita. Hindi maalis ni Vicky sa isip n’ya ang hinalang buhay nga si Olivia, lalo pa nang malaman niya mula sa mga pulis na hindi pa rin pala nakikita ang bangkay ni Olivia hanggang ngayon.

Gaya ni Vicky, nais rin ni Efren na tuluyan nang maputol ang ugnayan ni Olivia at ng kanyang nakaraan. Inaya niyang magpakasal si Olivia ngunit nabigo nang tanggihan siya ni Olivia. Naging bunsod ito upang mag-alsa balutan si Efren at layasan si Olivia.

Nang maalala ang lahat ng ginawa ni Efren para sa kanya, hinabol ni Oliva ang kasintahan. Ngunit imbes na si Efren ang abutan, si Vicky at Froilan ang kanyang natunton. Pinasundan ni Olivia sa sinasakyan niyang taxi ang kotse nina Vicky. Sa taranta ni Vicky, nagkunwari siyang masama ang pakiramdam at hindi na makakasama kina Froilan sa bahay ampunan. Sumakay siya sa taxi para habulin si Olivia. Patuloy naman ang paghabol ni Olivia sa kotseng sinasakyan ni Froilan at natunton niya ito sa bahay ampunan.

Ano’ng mangyayari sa muling paghaharap nina Olivia, Vicky at Froilan? Ano’ng kapalaran ang naghihintay para kina Justin at Faye kung makatakas man sila mula sa kamay ni Boss Tony? Tuluyan na nga bang susuko si Efren kay Olivia?

Patuloy na subaybayan ang Mga Basang Sisiw, Lunes hanggang Biyernes sa Afternoon Prime ng GMA. -- Text by CJ Mendoza, GMANetwork.com