TV

LGBTQIA+ couple na nagsimula ang relasyon sa chat, nasa road to forever na ngayon

By Jimboy Napoles

Naghatid ng kilig vibes ang kuwento ng "Bawal Judgmental" guest na si J.E. Guevara at ng kanyang lesbian partner na si Kim Andaya sa Eat Bulaga kamakailan kung saan tampok sa nasabing segment ang mga may same-sex relationship for more than three years.

Kuwento ni J.E., ang kanilang halos apat na taon na relasyon ay nagsimula lamang sa isang online chat. Galing daw sa failed relationship noon si J.E. sa kanyang ex-boyfriend nang makilala niya ang Facebook famous noon na si Kim dahil naman sa pagreto ng kanyang kaibigan.

Aminado si J.E., na siya mismo ang nag-first move kay Kim sa pamamagitan ng pag-chat dito upang magpasalamat sa pag-accept nito sa kanyang friend request, pero agad naman daw nakipag-video call noon si Kim.

Kuwento niya, "Wala [siyang] sinabi, nag-video call agad. Yes, ganoon ang nangyari. Pero sabi naman niya, gusto lang daw niya makita kung totoong ako 'yung nasa profile picture."

Mula sa video call, nagkita raw agad sa personal sina J.E. at Kim kinabukasan hanggang sa araw-araw na silang magkausap at tuluyan nang naging magkarelasyon.

Ayon naman kay Kim, naging better siya nang maging sila si J.E..

Aniya, "Noong dumating siya sa buhay ko, [naiiyak ako], kasi hindi naman ko looking for love pero bigla na lang naramdaman ko na ready na ako tapos sa kanya lang ako naging faithful talaga. Saka loyal and nagbago ako, nag-mature ako tapos 'yung life naintindihan ko na, mas naging better ako nung naging kami. Thank you for loving me."

Nagpapasalamat naman si J.E. kay Kim dahil sa pagmamahal nito sa kanya at sa kanilang anak.

"Yes naman mahal, I love you and salamat din. Thank you so much sa paggabay sa anak natin, sa anak ko. Ikaw na 'yung tumatayong father niya, father figure niya," ani J.E..

Panoorin ang buong kuwento nina J.E. at Kim sa video na ITO:

Tumutok naman sa Eat Bulaga, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 pm, at tuwing Sabado, 11:30 am sa GMA.

Samantala, kilalanin naman ang ilang mga celebrities na proud members ng LGBTQIA+ community sa gallery na ito: