TV

Renz Fernandez on acting: “Masaya at learning experience.”


First time ni Renz Fernandez na gumanap ng isang leading role sa GMA Telebabad series na Prinsesa ng Buhay Ko. Alamin kung anong klaseng paghahanda ang kanyang ginawa para dito.

Sa Press Conference para sa nasabing show, nakakuwentuhan namin si Renz at ipinaliwanag niya sa amin ang kanyang karakter.

“’Yung role ko si Luis Grande. Isa siyang mayaman at mai-in love siya sa character ni Kris Bernal. Magkapatid kami ni Aljur dito. It’s my first role na medyo major character,” aniya.

Wala daw siyang acting pegs para sa kanyang role, pero pinaghandaan niya itong mabuti bago pa man sila magsimula sa taping. Anu-ano ang kanyang mga ginawa?

“First, bumibili ako ng mga damit for the character, and then second, ‘yung script, binabasa ko at ina-analyze ko ng mabuti. Nagwo-workshop ako kung meron, tapos nagdadasal at ine-experience ko ‘yung buhay ng character,” sagot ni Renz.

Philosophy graduate si Renz from UP Diliman. Naninibago pa rin daw siya sa pag-arte, pero nag-eenjoy naman siya.

“Masaya at learning experience. May mga mali pa rin, may mga tama, pero okay naman dahil nahahasa ako,” paglalahad niya.

Nakapagshoot na rin daw siya ng mga eskena kasama ang kanyang co-stars na sina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Ano ang masasabi niya tungkol sa kanila?

“Si Kris, meron siyang soulful na mata. Nakakatulong talaga sa pagtatrabaho. Si Aljur naman ay isang gentleman. We all get along well.”

Ang pagiging sincere sa pag-arte naman ang numero unong natutunan niya sa kanyang mga magulang, the late Rudy Fernandez and seasoned actress, Ms. Lorna Tolentino.

Kapag wala naman sa harap ng camera si Renz, ang mga pinagkakaabalahan niya ay “…exercise, boxing, Muay Thai, jogging, Cross Fit, swimming ‘pag may time, tapos traveling.”

Naitanong namin kung sumasali siya sa mga competitions in boxing and Muay Thai.

Ang tangi niyang sagot ay, “I compete with only myself.”

Abangan si Renz Fernandez sa kanyang first starring role in Prinsesa ng Buhay Ko, simula September 23 sa GMA Telebabad. -Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com