TV

Ryzza Mae Dizon, naka-heart to heart ni Heart Evangelista


Kung dati ay si Heart Evangelista ang guest ni Ryzza Mae Dizon sa kanyang show, ngayon ay si Aling Maliit naman ang in-interview ni Heart sa Startalk segment na Heart of the Matter. Game na game ang 2013 MMFF Best Child Performer sa pagsagot sa mga tanong ng host-actress tungkol sa kanyang pagkapanalo at sa kanyang leading man na si Bimby Aquino-Yap.

Simple lang daw ang ginawang celebration ni Ryzza sa kanyang pagkapanalo sa Metro Manila Film Festival. Kumain lang daw sila ng kanyang pamilya sa "diyan-diyan lang."

Ano naman ang masasabi niya na natalo niya si Bimby bilang Best Child Performer?

"Hindi ko naman po talaga siya tinalo kasi leading man ko siya. Kung hindi po dahil sa kanya, hindi rin po ako mananalo," sagot niya. Best friends pa rin daw sila ni Bimby kahit tapos na ang My Little Bossings, ang top-grosser sa naturang film festival na pinagtambalan nila.

Kung magkaroon man daw ng bagong pelikula si Ryzza, si Bimby pa rin ang gusto niyang maging leading man. "Kasi po, sweet [siya]. Laging mayroong chocolate. Kapag po mayroong umaway [sa akin], sabi niya aawayin daw niya [para sa akin]," kinikilig niyang sagot.

Napansin rin ni Heart ang headband na suot ni Ryzza. Ito din kasi ang suot ng child actress noong tinanggap niya ang kanyang kauna-unahang acting award. Bigay pala ito ni Kris Aquino, na stylist din daw ng bagets. Araw-araw daw itong suot ni Ryzza dahil bukod sa bigay ito ng Queen of All Media ay galing sa isang sikat at mamahaling brand din ito.

Maraming natanggap na regalo si Ryzza ngayong Pasko. Kahit gusto daw niya ang lahat ay may pinaka-favorite pa rin siya. "'Yung bigay po ni Tita Helen [Gamboa], iPad Air."

Hindi rin daw totoo ang balita na binigyan siya ni Kris ng bahay. In fact, pinag-iipunan daw nila ito ngayon ng mommy niya. "Bibili po kami ng bahay. Nag-iipon pa lang po kami ngayon," maikling sagot ni Ryzza.

Ano pa kaya ang wish niya bukod sa pagkakaroon ng bahay ngayong taon?

"'Yung mga bata, sana po lagi silang 'bawal ang sad, dapat happy'."

Catch the very cute and bubbly Ryzza Mae Dizon everyday sa The Ryzza Mae Show at Eat Bulaga, at tuwing Sabado ng gabi sa Vampire ang Daddy Ko. -- Text by Michelle Caligan, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com