TV

Mike Tan, planong maging pari bago mag-artista

By Nherz Almo

Kung hindi natuloy sa pag-aartista si Mike Tan, malaki ang tiyansang naging pari siya ngayon.

Nabanggit ni Mike ang plano niya noong pumasok sa seminaryo nang tumayo siya bilang isa sa mga pagpipilian sa 'Bawal Judgmental' ng Eat Bulaga. Paksa kasi sa episode na ito ang mga sumali sa TV contest.

Matatandaan na noong 2004, ipinakilala ang dating 17-year-old na binata bilang isa sa avengers ng StarStruck Season 2.

“Sa totoo lang, hindi talaga,” sabi ni Mike nang tanungin kung gusto niya talagang mag-showbiz noon.

Sabay sabi niya, “Ang gusto ko talaga noon ay magseminaryo para magpari.”

Pero dahil dati siyang ramp model, naisipan daw ni Mike na subukang mag-audition para sa StarStruck.

Paglalahad niya, “Nagra-ramp model na kasi ako. Siyempre, sobrang sikat noong batch one, nandiyang si Rainier [Castillo], nandiyan si Mark [Herras]. 'Tapos, na-realize ko na parang, 'Subukan ko rin kaya?' 'Tapos, pumila kami roon sa GMA. Ako yung nagpaalam sa nanay ko na pumunta sa GMA para mag-audition.”

Dahil nakapasok sa second batch ng StarStruck, nag-iba raw ang goal ni Mike, at ito ay tuluyan nang pasukin ang showbiz.

Aniya, “Kapag sumali ka na kasi gusto mo na talaga. Ang goal mo na talaga, ang end goal mo na talaga maging artista na. Pero nandun talaga ako para sa prize money, one million, e.”

Sa huli, itinanghal si Mike bilang Ultimate Male Survivor sa StarStruck Season 2.

Nang tanungin kung anong nangyari sa plano niyag maging pari, sagot ng aktor, “E, ang sabi naman sa akin noong pari before, mag-aral na muna ako ng college sa labas para malaman ko kung talagang calling ko ang pagpapari. Ayun, nandito na ako.”

Sa ngayon, kilala na bilang mahusay na aktor si Mike at naging bahagi na iba't ibang teleserye sa GMA Network. Mapapanood din siya sa upcoming teledramang The Seed of Love kasama si Glaiza de Castro.

Panoorin si Mike Tan sa “Bawal Judgmental” dito:

SAMANTALA, TINGNAN ANG HOTTEST PHOTOS NI MIKE TAN DITO: