
Kasabay ng parangal na natanggap ng GMA Network bilang Best TV Station of the Year sa 38th PMPC Star Awards for Television, kinilala rin ang husay ng anim na Kapuso entertainment shows.
Isa sa mga ito ang hit inspirational medical-drama series na Abot-Kamay Na Pangarap na pinagbidahan nina Jillian Ward at Carmina Villarroel.
Related gallery: The best mother-daughter moments of Lyneth and Analyn
Muling naiuwi ng naturang programa ang pagkilala bilang Best Daytime Drama Series.
Ang Abot-Kamay Na Pangarap ay umikot sa nakaaantig na life story ng genius kid na kalaunan ay nakilala bilang youngest doctor in the Philippines na si Dr. Analyn Santos, ang ginampanang karakter ni Jillian.
Itinampok din dito ang nakabibilib na pagbabago ng buhay ng kaniyang ina na si Lyneth (Carmina) na hindi nagpapapigil sa mga hamon sa buhay para maitaguyod ang anak niya sa doktor na si Dr. RJ Tanyag (Richard Yap).
Bukod kina Jillian, Carmina, at Richard, napanood din sa serye ang mga karakter nina Pinky Amador at Kazel Kinouchi na nakilala ng viewers bilang sina Moira at Zoey Tanyag.
Labis na pinag-usapan ang mga eksena nila sa serye sa pagiging kontrabida nila sa buhay ng mag-inang Analyn at Lyneth.
Samantala, kabilang din sa cast nito sina Allen Dizon, Dina Bonnevie, Dexter Doria, Andre Paras, Jeff Moses, John Vic De Guzman, Chuckie Dreyfus, Dominic Ochoa, Wilma Doesnt, at marami pang iba.
Ipinalabas sa GMA Afternoon Prime ang Abot-Kamay Na Pangarap mula 2022 hanggang 2024.