
Iba't ibang blessings ang natanggap ni Sparkle teen actress Jillian Ward ngayong taon at isa na rito ay ang pinagbibidahan niyang afternoon drama series na Abot Kamay Na Pangarap.
Sa seryeng ito, binibigyang buhay ni Jillian ang role bilang si Analyn Santos.
Sa “Chika Minute” report ni Lhar Santiago sa 24 Oras, itinuturing daw ng aktres na malaking Christmas at New Year's gift ang taos-puso at malaking suporta na nakukuha ng Abot Kamay Na Pangarap mula sa Kapuso viewers.
“Masasabi ko, so far, ito po 'yung pinaka-favorite show ko pong ginawa ko dahil sobrang dami pong na-i-inspire,” pagbabahagi niya.
Bukod dito, marami rin ang dapat pang abangan ng mga manonood sa kuwento at mga eksena sa Abot Kamay Na Pangarap tulad na lamang ng special roles nina Sparkle stars at twin siblings na sina Mavy at Cassy Legaspi, ang mga anak nina celebrity couple Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.
Ito ang unang pagkakataon na makakasama ni Carmina, na gumaganap bilang Lyneth, ang kanyang mga anak sa isang drama series.
Samantala, planado na ang 18th birthday celebration ni Jillian na gaganapin sa February 2023, ngunit hindi muna nagbigay ng detalye ang aktres tungkol sa mangyayari sa kanyang debut.
“Para surprise, abangan po nila sa 24 Oras. Ang plano ko lang po sa debut ko is to have fun with my loved ones po at ma-invite po lahat ng taong minamahal ko po at lahat po ng sumuporta sa akin,” ani Jillian.
Panoorin ang “Chika Minute” report sa video na ito.
Mapapanood naman si Jillian sa medical drama series na Abot Kamay Na Pangarap, Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
SILIPIN ANG TRANSFORMATION NI JILLIAN WARD SA GALLERY NA ITO.