TV

Mula kuba hanggang prinsesa: Ang tadhana ng hinirang na Adarna


Malayo na ang narating ni Ada, ang karakter ni Kylie Padilla sa telefantasyang Adarna, mula sa pagiging isang inaapi at kinukutyang kuba sa kalye ng Quiapo.

Ngayong isa na siyang ganap na Adarna, hindi lamang niya kailangang iligtas ang kanyang pamilya at ang mundo ng mga tao, kundi kailangan na niyang pumili kung sino ang kina Migo, Agalon at Falco ang iibigin niya.

Nagsimula ang kuwento ni Ada nang mapadpad sila ng ina niyang si Larka, na gumamit ng pangalang Lupe, sa Quiapo pagkatapos nilang lisanin ang Pugad Sanghaya.

Nagkunwari silang mga kuba at nagtinda ng mga halamang-gamot para hindi sila masundan ng mga tauhan ni Garuda. Ngunit ang pagtulong ni Ada sa batang si Migo nang ito ay masagasaan ang nagtulak kay Larka na iwan ang kanyang anak sa manliligaw na si Simon upang lansihin ang mga tauhan ni Garuda.

Hindi naging madali ang buhay ni Ada simula nang nagkalayo sila ni Larka. Inisip niyang iniwan siya ng ina, at lalo pa itong ipinamukha sa kanya ni Jinky, ang naging asawa ni Simon, at ng anak nitong si Janelle. Lumaking mahiyain at walang kumpiyansa sa sarili si Ada. Buti na lamang at naging kaibigan niya si Mikay na siyang nagbibigay ng lakas ng loob sa kanya.

Sa pagdadalaga ni Ada, muli niyang nakilala ang batang tinulungan niya dati, si Migo. Ngunit may girlfriend na ito, si Robin, kaya hanggang pagkakaibigan lamang ang naging relasyon ng dalawa. Nakilala rin ni Ada si Bok, isang tambay na mahilig sa sabong na may gusto rin sa kanya.

Hindi nagtagal ay nalaman ni Ada ang totoo niyang pagkatao, na isa siyang taong-ibon at ang bukol sa kanyang likod ay mga pakpak na malapit nang bumuka. Sa pagtuklas niya na siya ang hinirang na gigising kay Uwakro, nakilala niya si Falco, ang taong-ibon na tagapagligtas niya. Siya ang nagdala kay Ada sa Pugad Sanghaya, ang lugar ng kanyang mga kauri.

Kinailangan ding lisanin agad ni Ada ang Pugad Sanghaya para sa kanyang kaligtasan dahil nalaman ni Garuda na dumating na ang hinirang.

Muli silang nagkita ni Migo sa mundo ng mga tao, at ginamit ni Ada ang kanyang kapangyarihan para magligtas ng mga tao. Suot ang costume ni Mikay sa trabaho nito, naging isang superhero si Ada sa mata ng marami, lalo na nang iligtas niya si Migo nang mahulog ito sa gusali. Dito nagsimula ang paghanga sa kanya ni Migo, na lalong lumalim nang malaman ng binata na ang tinatawag niyang Angel at si Ada ay iisa.

Nabunyag ang sikreto ni Ada dahil kay Robin. At dahil nadakip ni Garuda si Larka, muling bumalik si Ada sa Pugad Sanghaya. Dito nalaman ni Ada na lolo niya si Uwakro, at si Bok ay talagang si Agalon, ang kapatid ni Garuda na ang misyon ay hanapin si Ada.

Nalaman ni Uwakro na kasama ni Ada si Migo sa pugad, at dahil bawal ang tao sa kanilang kaharian, binigyan niya ito ng pagsubok: ang hulihin ang Ibong Adarna. Naging patimpalak pa ito dahil sumali rin sina Agalon at Falco.

Si Migo ang tunay na nakahuli ng ibon, ngunit naisahan siya ni Agalon at ito ang nag-uwi ng Ibong Adarna kay Uwakro. Dahil dito, ipinag-utos ni Uwakro ang pagpapakasal ni Ada kay Agalon at ang pagpaparusa ng kamatayan kay Migo.

Hindi natuloy ang kasal ng dalawa dahil biglang sumalakay ang grupo ni Garuda. Matagal na niyang pinlano ito upang siya ang maging pinuno ng Pugad Sanghaya. Naging bihag din ni Garuda si Larka na, gamit ang itim na lumot, ay nagbago ng anyo at naging kakampi niya.

Sa pagtatapos ng Adarna, masusubok ang katatagan at pag-ibig ni Ada.

Sa dami ng hirap na pinagdaanan niya, makamit pa kaya niya ang kaligayahang matagal na ipinagkait sa kanya? Mahanap kaya niya ang tunay na pagmamahal? Maging mapayapa na kaya sa Pugad Sanghaya?

Huwag palampasin ang huling gabi ng Adarna ngayong Biyernes, Marso 7, pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.

-- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com