TV

Tunghayan ang paglipad ni Kylie Padilla sa ‘Adarna’


Simula ngayong Lunes, may bago kayong susubaybayan at mamahalin. Sundan at tuklasin ang lihim ni Ada, ang nilalang na biniyayaan ng pakpak at kapangyarihan sa pinakabagong Primetime series ng GMA na Adarna.

Ang bida ng Adarna na si Kylie Padilla, lilipad na patungo sa inyong mga puso. Alamin ang kanyang mga saloobin sa kanyang pinakabagong proyekto.

Kuwento ni Kylie sa Startalk TX host na si Joey de Leon, “Noong una ko pong nalaman [na ako ang magbibida sa Adarna], overflowing ang emotions ko, pero sobrang thankful lang po ako sa GMA na pinagkatiwalaan nila akong mag-Primetime.”

Ano naman kaya ang reaksyon ng ama ni Kylie na si Robin Padilla nang malaman niyang pagbibidahan ni Kylie ang Adarna?

Sagot ni Kylie, “Gusto niyang makasama. Alam ko yata kasama na siya.Magge-guest siya sa show.”

Ang boyfriend naman ni Kylie na si Aljur Abrenica ay very proud and happy para sa kanya. Ngunit ayon kay Kylie, “Sabi niya sayang daw, sana hinintay siya.”

Kung bibigyan ng pagkakataon si Kylie na magkaroon ng pakpak at kapangyarihan katulad ng karakter niyang si Ada, saan siya pupunta?

“Pupunta po ako doon sa mga nasalanta kasi nakakapagpagaling si Adarna. Magdadala ako ng pagkain tapos pagagalingin ko sila,” saad niya.

Bakit kailangang subaybayan ng mga manonood ang Adarna?

Ani Kylie, “Ang ganda po ng story, nakaka-inspire. Hindi lang po siya fantasy, marami din pong aral dito.”

Makakapareha rin ni Kylie sa Adarna sina Geoff Eigenmann, Mikael Daez at Benjamin Alves kaya siguradong marami rin ang kikiligin sa mga kabanata ng telefantasyang ito.

Para sa updates ukol kay Kylie Padilla at sa mga paborito niyong Kapuso stars and shows, mag log-on lamang sa www.gmanetwork.com. - Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com