TV

Unang linggo ng Adarna: Babalikan pa kaya ni Lupe si Ada?


Nagsimula na ang pinakabagong telefantasya ng GMA, ang Adarna, noong Lunes, November 18, at talagang namang inabangan ito ng ating mga Kapuso.

Bago mapanood ang mga kapana-panabik na eksena mamayang gabi, ating balikan ang mga naganap sa unang linggo nito.

In its pilot episode, the viewers are introduced to Lupe and Ada, ang mag-inang kuba na nagtitinda ng mga gamot sa Quiapo.

Isang araw, sa kakulitan ay nasugatan si Ada, at agad siyang pinagaling ni Lupe gamit ang kanyang itinatagong kakayahan. Isang awit lang niya’y nawalang parang himala ang mga galos ni Ada. Ipinaalala niya sa manghang-manghang si Ada na dapat manatiling lihim ang kakayahan nilang ito.

Sa kalaunan ay nakilala niya si Miggy, ang batang lalaki na sumagip sa kanya mula sa mga batang kinukutya ang pagiging kuba niya. Nabangga ng jeepney si Miggy dahil sa pagligtas kay Ada. Pinagaling ni Ada si Miggy at nakita ito ni Lupe.

Kinagabihan, nakaramdam si Lupe ng kaba kaya’t dali-dali itong nag-empake. Nakarinig siya ng malalakas na yabag ng mga paa sa kanilang bubong kaya mabilis niyang binuhat si Ada at inilipad papalayo sa pamamagitan ng mga pakpak na itinatago sa kubang likod niya.

Subalit hindi nakalayo ang mag-ina dahil tinamaan ang pakpak ni Lupe. Dahil nanghina siya, iniwan niya si Ada kay Simon, ang masugid niyang manliligaw, at iniligaw ang mga humahabol sa kanila. Nahabol si Lupe ng mga misteryosong nilalang at napabagsak.

Nagising si Ada na wala na ang kanyang ina, Kahit hinanap nila ito ni Simon, nauwi sa lahat ang kanilang paghahanap. Kinupkop ni Simon at itinuring na parang tunay na anak si Ada.

Dumating sa buhay ni Simon si Jinky at ang anak nitong si Janelle. Dahil mabait si Jinky kay Ada, pinakasalan siya ni Simon upang magkaroon ng ina si Ada.

Unti-unting naging malupit si Jinky kay Ada kapag wala si Simon, at pati si Janelle ay kinamumuhian ang kanyang kinakapatid. Nadagdagan pa ang kalbaryo ni Ada nang tanggapin ni Simon ang trabahong naghihintay sa kanya sa Cebu.

Sa paaralan, nakilala ni Ada si Mikay at naging matalik itong kaibigan. Si Mikay ang madalas magtanggol kay Ada sa mga kaklase nilang tinutukso ang kanyang pagiging kuba.

Isang araw, nalaman ni Ada na nag-apply si Janelle sa kompanya ni Migo Salva, isang sikat na athlete na hinahangaan nila pareho. Sa pagbubukas ng bagong branch ang sporting goods store ni Migo sa Quiapo, pinilit ni Mikay si Ada na pumunta sila para makita si Migo. Pinigilan sila ni Janelle, na naging empleyado ni Migo. Kinutya nito si Ada sa harap ng kanyang mga katrabaho kaya’t umalis sina Ada at Mikay.
 
Magkakaroon kaya ng pagkakataon ang dating magkababata na magkita? Hanggang kailan kaya pagmamalupitan nina Jinky at Janelle si Ada? Patuloy pa bang aasa si Ada na babalikan siya ng inang si Lupe?

Alamin ang mga posibleng mangyari kay Ada at sa mga taong nasa paligid niya sa ikalawang linggo ng Adarna, weeknights pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com