TV

'Tingnan natin kung sino ang unang bibigay' -- Michelle Madrigal on the Garuda-Falco affair


Sa January 21 episode ng primetime telefantasya na Adarna, ating nasaksihan ang paghalik ni Falco, na ginagampanan ni Mikael Daez, sa kalaban niyang si Garuda, played by Michelle Madrigal.

Bago pa man ito naipalabas ay naikuwento na sa amin ni Michelle kung ano ang dapat abangan sa kunwaring namumuong pagtitinginan nina Garuda at Falco.

"Abangan niyo kung ano ang pinaplano niya laban sa akin, at kung ano naman ang pinaplano ko laban sa kanya. Siyempre siya kailangan niyang protektahan si Ada, ako kailangan kong mahanap 'yung hinirang. Medyo naglalandian kami kaya tingnan natin kung sino ang unang bibigay sa amin," kuwento ni Michelle nang aming bisitahin ang set ng Adarna sa Marikina.

Dahil dito ang location ng Pugad Sanghaya, madalas daw ay si Michelle lang at ang mga mandirigma ni Garuda ang naiiwan dito. Hindi ba siya nalulungkot o napapagod dahil tuloy-tuloy ang mga eksena niya?

"Minsan, kasi lahat ng eksena ko magkakasama sa iisang day, so mga 20 to 30 sequences puro ako lang.  Tapos halos lahat pa ng eksena ko ay lagi akong galit, na parang at some point iniisip ko 'Sisigaw pa ba ako dito? Hindi sa next na lang para iba-iba naman.' Hindi naman puwedeng puro pasigaw ako."

Ang paglalagay ng kaunting lambing kapag lalaki ang kanyang kausap ay paraan ni Michelle para mapaglaruan ang character ni Garuda. Aniya, "Dapat makita pa rin ng mga tao na 'Si Garuda puwede rin palang ma-in love.' Hindi lang siya nagagalit."

Maganda ang working relationship ng buong cast dahil give and take daw sila sa mga eksena. Para kay Michelle, walang sapawang nagaganap at very supportive ang senior actors na kasama nila, kabilang na si Jean Garcia na gumaganap bilang ina ni Ada na si Lupe.

Kumusta naman na kaeksena si Jean gayong si Lupe ang laging pinapahirapan ni Garuda?

"Doon ako laging kinakabahan. Mukha lang akong matapang pero kapag may eksena [hindi]. Mayroon kaming eksena nung second week yata namin, papahirapan ko siya for six to seven sequences. Hindi rin ako nakatulog nang maayos kasi ayoko ring magkamali at mapahiya. Mas natsa-challenge ako kapag si Ms. Jean ang kaeksena ko dahil siyempre alam nating lahat na ang galing-galing niya magkontrabida. Minsan natutulungan niya rin ako," aniya.

Abangan si Michelle Madrigal bilang Garuda sa Adarna, weeknights pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad.

-- Text by Michelle Caligan, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com