TV

Matutuloy kaya ang kasalang Agalon at Ada?


Maraming pagsubok na ang pinagdaanan nina Migo at Ada, ngunit ang mga nangyari sa kanila nitong nakaraang linggo ang tila pinakamahirap. Nagsimula ang Week 14 ng telefantasyang Adarna sa pagtanggi ni Ada na magpakasal kay Agalon kahit pa ito ang lumabas na nagwagi sa pagkuha ng Ibong Adarna. Nalaman din ni Ada na nasawi si Migo kaya hindi nagtagal ay tinanggap na rin niya ang alok ni Agalon.

Nagpatawag ng pagtitipon si Uwakro para ianunsiyo ang magandang balita, ngunit naudlot ito nang biglang dumating si Migo. Dito niya isiniwalat na siya ang tunay na nakakuha sa Ibong Adarna at tinraydor lamang siya ni Agalon. Hindi naman nagpatalo si Agalon at sinabing nagsisinungaling si Migo. Para matigil ang kanilang pagtatalo at malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo, nagdeklara si Uwakro ng sabong sa pagitan ng dalawa.

Naisip ni Ada na itakas na lamang si Migo para hindi na muling mapahamak. Ngunit desidido si Migo na lumaban kay Agalon at patunayan sa buong pugad na karapat-dapat siya kay Ada. Bago ang sabong, dinalaw siya ni Falco, sabay abot sa kanyan ng baril na panlaban niya kay Agalon.

Dumating na ang araw ng kanilang sabong. Sa gitna ng laban ay kumapit si Migo sa pakpak ni Agalon at sabay silang bumagsak. Nakita ni Agalon ang baril ni Migo, kinuha niya ito at tinutok kay Migo. Kinalabit niya ang gatilyo ngunit sa halip na tamaan si Migo ay sumabog ang baril at si Agalon ang nasaktan.

Dahil sa nangyari ay ipinadakip ni Uwakro si Migo at hinatulan ng kamatayan. Nagmakaawa si Ada kay Uwakro ngunit buo na ang desisyon ng hari. Habang nasa kulungan ay dinalaw naman ng isang babaeng ibon si Migo, at pinatulog si Migo para madaling maitakas nina Ada at Falco.

Dinala nina Ada at Falco si Migo sa lagusan, at sa paggising ni Migo ay sinabi ni Ada sa kanya na hindi na niya ito mahal. Hindi naniwala si Migo, ngunit paulit-ulit na sinabi sa kanya ni Ada na hindi sila para sa isa't isa. Inawitan niya ang binata hanggang sa nakatulog ito at binitbit ni Falco papalayo sa lagusan.

Nadatnan nina Talim at Agalon si Ada na mag-isa. Pinigilan niya ito sa paghabol kay Migo, at bumalik na sila sa pugad ni Uwakro. Dito pumayag na si Ada na magpakasal kay Agalon sa mismong gabi ring iyon dahil ito lang ang solusyon para tigilan na ni Agalon si Migo.

Matuloy na kaya ang inaasam-asam na kasal ni Agalon? Paano na ang pag-iibigan nina Migo at Ada? At ano ang binabalak ni Garuda ngayong hindi na siya natutuwa sa pamamalakad ni Uwakro?

Alamin ang susunod na mangyayari sa Adarna, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng 24 Oras, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com